‘Safe’ ba ang mga shoppers sa Victory mall?

NGAYON ay Marso at tuwing sasapit ang buwan na ito kada-taon, ipinagdiriwang ng buong bansa ang  ‘Fire Prevention Month.’

Sa buwan na ito kasi dumarami o malimit ang pagsiklab ng sunog, kung kaya’t binibigyan natin ito ng pansin at panahon.

Pero mapapansin sa nakaraang dalawang taon na kahit ‘di buwan ng Marso, kaliwa’t kanan ang insidente ng sunog.

Dapat sa mga namumuno ng Bureau of  Fire Protection, maging alerto sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Suhestiyon natin sa mga opisyal ng Pambansang Pamamatay Sunog, magsagawa ng ‘inspection’ sa over-crowded malls.

Unahin niyo na ang Victory mall sa Monumento, Caloocan City.

Napag-alaman kasi ng Chokepoint na kulang sa ‘safety net’ ang nasabing mall para masigurong ligtas ang mga mamimili rito.

Yan ay sumbong sa atin na dapat mapatunayan at wala naman sigurong  mawawala kung magsasagawa ng inspection ang BFP sa nasabing mall.

Pero may isang pagkakamali na ‘di nila maitatago – ito  ang naghambalang na stalls at tindahan sa pasilyo ng mall.

Sa umiiral na batas, bawal ang stalls at improvised stores sa pasilyo ng mall dahil nagsisilbi itong obstruction kapag nagkaroon ng aksidente, halimbawa’y sunog.

Kailangan ay malinis ang pasilyo sa anomang obstruction para madaling makalabas ang  mga shopper kapag may nangyaring aksidente.

Napakaraming mall ang katulad ng Victory mall. Halimbawa ay ang katabing Gotesco Grand Central.

Pero may pagkakaiba ang dalawang mall. Kung ang Gotesco Grand Central ay naghambalang din ang stalls sa pasilyo, ang Victory mall ay halos wala nang madaanan ang tao sa dami ng  manininda sa mga pasilyo.

Sinasabi natin ito dahil tayo’y nababahala. Tila ang mga may-ari ay walang  pag-mamalasakit sa mga shopper.

Aba’y, mabahala at maging totoo sila na ‘di lamang puro kikitaing datung ang laman ng kanilang mga utak.

Kaya nga ang hiling natin sa BFP, pasyalan ang Victory mall para makita n’yo ang lantarang paglabag sa fire code.

Bakit ba ayaw n’yong mag-inspection sa mall na ito? –Bong Padua

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply