SAGOT NG REMATE SA FRANCHISEE NG MISTER DONUT: ‘Hey, Mister, do not tell us how to do our job’

Editor’s Note: Sa unang bahagi ng ulat na ito ay isinalaysay natin ang pananakot ng isang William Viloria, kinatawan ng Bountiful Branches Business Corp. na isang franchisee ng Mister Donut na matatagpuan sa Robinson’s Place sa Ermita, Maynila. Ipagpapatuloy sa ikalawa at huling bahagi ng report ang sinumpaang salaysay ni Jeanne Eliang Bañez, ina ng dalawang batang umano’y naospital matapos kumain ng nasabing produkto)

“PAGSAPIT nga namin ng Ospital, sinabihan kami ng mga doctor na pasalamat daw kami dahil naitakbo agad ang mga bata sa Ospital, dahil kung hindi, baka naubusan na ang mga ito ng tubig sa katawan at ikinasanhi ng kanilang kasawian.

“Dahil sa pangyayari, kinontak ng aking asawa ang pamunuan ng ‘Mister Donut’ sa pamamagitan ng Internet, at kinabukasan, Pebrero 8, 2011 may dumating naman na dalawang sugo ang kumpanya ng ‘Mister Donut’, ngunit sa halip na alalayan at bigyan kami ng ‘Moral Support’ dahil nga sa kalagayan ng aming mga menor de edad na anak, inoperan lang kami ng mga ito ng dalawang box ng donut, at sinabihan kami na kung maari ibigay sa kanila ang natirang pagkain ‘Mister Donut’ at kanila daw ipapasuri sa kanilang laboratory ang nasabing tirang pagkain at ang insidente daw kanilang iimbistighaha (sic).

“Nadismaya kami sa tinuran ng mga sugo ng ‘Mister Donut’, wala sana kaming balak na sila ay kasuhan o idemanda sa husgado, kung ayos sana ang pakikipag ugnayan, ang nais lang sana naming dapat ipinakita nila na sila ay may malasakit sa mga bata, hindi sa kung ano ano pang kadahilanan, ipsuri (sic), paimbistigahan, ibig sabihin wala silang malasakit sa kanilang mga customer o intensyon na tulungan muna ang biktima, bago ang imbistigasyon na kanilang gagawin.

“Matapos silang makakuha ng tirang pagkain ‘Mister Donut’, umalis na sila at wala man lang silang binitawa na magandang salita para man lang suportahan kami.”

Ang mga mahahalagang impormasyon sa salaysay ni Gng. Bañez ay kinumpirma sa isang memorandum mula sa Manila Police District na may petsang Pebrero 23.

Sa nasabing memorandum ay nagsabing may medical certificate mula sa Medical City na ang magkapatid na Jacob at Joachim Bañez ay ginamot sa nasabing pagamutan noong Pebrero 7, 2011 sa sakit na “acute Gastroenteritis and Dehydration.”

Gayundin ay binanggit na isang kaso ng food poisoning/serving food unfit for human consumption ay isinampa laban sa Mister Donut management ang isinampa sa City Prosecutor’s Office.

Sa paningin at paghuhukom ng patnugutan ng pahayagang ito ay isang lehitimong balita na dapat ipaalam sa madla.

Ayon sa aming publisher na si G. Benny Antiporda, hindi dapat magpatakot ang Remate sa mga bantang pagsasampa ng kaso sapagkat ang unang-unang dapat panagutan ng isang pahayagan ay ang tungkulin nito sa mambabasa na magbigay ng mga kaalamang mahalaga sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Nanindigan si Antiporda, kasama ang mga editor ng Remate, na ang food poisoning sangkot ang isang kilala at malawakang tinatangkilik ng taumbayan na produkto tulad ng Mister Donut ay isang pampublikong isyu.

Kung hindi maglalakas loob ang mga pahayagan, aniya, na maglabas ng mga istoryang tulad ng kinasasangkutan ng Mister Donut, maraming negosyo ang magpapabaya, mang-aabuso at mangha-harass ng mga ordinaryong konsyumer.

“Hindi natin sinasabi sa Mister Donut kung paano gumawa ng masarap at ligtas na doughnut. Trabaho nila ‘yun,” ayon kay Fort Nicolas, section editor ng Remate. “’Wag din nila tayo turuan kung paano natin dapat gawin ang ating trabaho.”

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply