Sahod, benepisyo ni Singson ititigil

SIMULA ngayon, Martes, Marso 1, wala nang matatanggap na sahod at benepisyo si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson, na kasalukuyang nagsisilbi ng sentensya sa Hong Kong matapos mahusgahang “guilty” sa kasong drug trafficking.

Ito ang pahayag ni Speaker Feliciano “SB” Belmonte matapos itong makipag-usap kay Ilocos Sur Gov. Chavit Singson, ama ng nakakulong na kongresista, sa bahay ng una sa Quezon City Lunes ng gabi.

Si Chavit umano ang nagtiyak na magbibitiw sa pagka-kongresista ang kanyang anak upang hindi na ito dumaan pa sa anumang proseso ng pagpapatalsik.

Ipinakuha na umano ni Chavit sa Hong Kong ang written resignation ng kanyang anak. Ayon sa nakatatandang Singson, siya mismo ang mag-aabot kay Belmonte ng nasabing liham sa loob ng linggong kasalukuyan.

Sa patanggap ni Belmonte ng resignasyon ay agad niyang aatasan si Cavite Rep. Elpidio Barzaga, chairman ng House committee on suffrage and electoral reforms, na magpasa ng resolusyon upang pormal na maipaalam sa Commission on Elections (Comelec) na may bakanteng distrito sa Ilocos Sur.

Aatasan din ni Belmonte ang secretary-general ng Kamara na tanggalin ang pangalan ni Singson sa listahan ng mga miyembro ng Kamara sa sandaling maisumite na ang nasabing liham ng pagbibitiw.

Sa ganitong paraan, ayon kay Belmonte, ay agad maitatakda ng Comelec ang isang special election.

Subalit habang wala pang naihahalal na kapalit ni Rep. Singson ay magtatalaga muna ang liderato ng Kamara ng caretaker sa distrito ng kongresista.

“We will request the committee headed by Congressman Barzaga to pass a resolution to inform the Commission on Elections that there is a vacancy and request the commission to set a date for a special election.”

Ngayong hapon ay nakatakda rin sanang talakayin ng House ethics committee ang kaso ni Singson, subalit ipinahinto muna ni Belmonte ang pagdinig.

Subalit kapag hindi umano naibigay hanggang Biyernes ay ipagpapatuloy ng nasabing komite ang pagdinig sa posibleng pagpapatalsik kay Congressman Singson. Meliza Maluntag

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply