Santo Papa umapela sa mga Pinoy na ipagtanggol ang buhay

DAPAT umanong magpakatatag ang mga Katoliko para ipagtanggol ang buhay at pamilya laban sa anumang bantang sirain ito tulad ng Reproductive Health (RH) bill.

Ito ang mensaheng ipinaabot ni Pope Benedict XVI para sa mga Pinoy kasunod nang interfaith rally kontra sa RH bill na idinaos nitong Biyernes ng gabi, Marso 25, sa Quirino Grandstand sa Luneta Park, Ermita, Manila.

Sa mensahe ng Santo Papa na ipinaabot sa mga Pinoy sa pamamagitan ni Vatican Secretary of State Tarcisio Bertone, nanawagan ito na respetuhin at protektahan ang buhay.

“I again encourage you and all who value the human person to be firm in your commitment to honor God and, by doing so, to manifest a deep love for life and for its protection at this time,” ani Pope Benedict XVI.

“The Church is not indifferent in such moments because she believes that life is sacred, a gift from God who calls man to cooperate with Him, aided by a deep sense of responsibility for his actions,” ayon naman kay Bertone.

Batay sa pagtaya ng church-run Radio Veritas, mahigit sa 200,000 katao ang lumahok sa interfaith rally laban sa RH bill, na sinimulan dakong 5:00 ng hapon at tumagal hanggang gabi.

Gayunman, ayon sa Manila Police District (MPD), mahigit sa 40,000 katao lamang ang dumalo sa pagtitipon na isinabay sa pagdiriwang ng Feast of the Annunciation o Day of the Unborn.

Mismong si Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales ang nanguna sa pagtitipon, kasama ang iba pang Catholic bishops, gayundin ng mga prominenteng personalidad na tutol din sa RH bill.

Sa kaniyang homiliya sa isang banal na misa, binatikos ni Rosales ang mga mambabatas na nagsusulong ng RH bill dahil sa mistula umanong paghikayat ng mga ito sa pagkakaroon ng “undisciplined sex” at pagsusulong ng artificial contraception na ayon sa mga pro-RH bill ay proteksiyon laban sa sexually transmitted diseases (STD).

Iginiit ni Rosales na kung maipapasa ang RH bill ay maaari itong magdulot ng moral tragedy, na maaari pa naman aniyang maiwasan.

Umapela rin ang Cardinal sa mga mambabatas na i-overhaul ang RH Bill o di kaya’y tuluyang ibasura na ito dahil sa kawalan ng respeto sa buhay at pagtuturo ng taliwas sa disiplina at responsibilidad.

Binigyang-diin ni Rosales na dapat na respetuhin ang buhay, protektahan at hindi harangin sa anumang artipisyal na pamamaraan.

Naniniwala ang Cardinal na ang tanging kinakailangan lamang ng bansa ay magkaroon ng disiplina ang mga mag-asawa at magpigil sa pagtatalik kung ‘fertile’ ang babae at ayaw pa ng mga itong magkaanak.

“Ang paglapastangan sa buhay, malakas man o mahina, na ating laging pinahalagahan ay labag sa kulturang Pilipino tungkol sa buhay ng tao,” aniya.

“Kapag may disiplina ang tao may disiplina sa kama. Pag may disiplina sa kama may disiplina sa kalsada. Pag may disiplina sa kalsada may disiplina sa pitaka at kuwarta ,” anang Cardinal.

Matapos ang misa, isang panalangin ang pinangunahan ni El Shaddai leader Mariano Velarde para sa buhay at pinasalamatan ang mga Obispo sa pagprotekta dito.

Naniniwala si Velarde na ang RH bill ay isang “sumpa” sa buhay dahil kinukontrol nito ang paglaki ng populasyon ng mga Pinoy, na taliwas aniya sa intensiyon ng Panginoon.

Bukod kay Velarde, ilan pa sa mga prominenteng personalidad na dumalo sa pagtitipon ay sina Manila Mayor Alfredo Lim at karibal nito sa pulitika na si dating Manila Mayor Lito Atienza.

Hindi naman nakadalo sina Senate President Juan Ponce Enrile at Sarangani Rep. Manny Pacquiao, bagamat nagpaabot ang mga ito ng mensahe para sa mga taong dumalo sa interfaith rally na nagtapos sa pamamagitan ng isang candle-lighting ceremony. Kyle Gatus

About noli

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>