School buildings sa Kamaynilaan dadaan sa masusing inspeksyon

MAGSASAGAWA ng masusing inspeksyon ang Department of Education (DepEd) sa lahat ng school buildings sa National Capital Region (NCR) upang masigurong ligtas ang mga ito sakaling magkaroon ng malakas na paglindol.

Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, partikular na iinspeksiyunin ang mga matatandaang gusali na itinayo bago ang taong 1995, bunsod ng posibilidad na hindi handa ang mga ito sa magnitude 7 na lindol.

Matatandaang na sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hinog na para gumalaw ang Marikina faultline at posibleng umabot ito sa lakas na 7.2 magnitude.

Sinabi naman ni Engr. Oliver Hernandez, head ng Physical Facilities and Schools Engineering Division. na dapat nang tingnan kung ang mga sinaunang gusali ay puwede pang sumabay sa mga pagyanig.

“Siyempre hindi pa tayo aware sa standards ng building codes. So mukhang mas delikado ‘yung mga itinayo way, way back,” ani Hernandez.

Nauna rito ay dinemolish ng DepEd ang Araullo at Manila High School at tinayuan ng mga bagong gusali.

Sa ngayon ay inaayos na rin ng DepEd ang pitong iba pang paaralan sa NCR, kabilang na ang Pagasa Elementary School sa Bagong Silang, Caloocan City, na kabilang sa 10 paaralan na natuklasang hindi na ligtas sakaling lumindol batay sa 2010 assessment ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa kasalukuyan ay sa labas na lamang ng mga classroom nagkaklase ang mga mag-aaral ng Pagasa Elementary School  dahil sa pangambang madisgrasya pa ang mga bata at iba pang gumagamit ng gusali.

Sinasabing bitak-bitak na ang mga sahig sa ikalawang palapag ng paaralan at sira-sira na rin ang unang palapag nito.

Sa kasalukuyan naman ay patuloy ang pagsasagawa ng DepEd ng mga earthquake drills sa mga paaralan, upang matiyak na alam ng mga estudyante ang gagawin sakaling magkaroon nga ng lindol sa bansa. Jhie Convocar

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply