Sen. Villar kinasuhan sa Ombudsman

INIREKLAMO ng kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman sina Senador Manuel Villar, Jr., asawa nitong si dating Las Pinas City Rep. Cynthia Villar, isang barangay chairman at ilang kagawad ng pulisya dahil umano sa pangangamkam ng malaking lupain.

Base sa labing anim na pahinang complaint affidavit ng mga residente ng Sitio Malipay 3, Barangay Molino 4, Bacoor, Cavite na isinampa sa tanggapan ni Atty. Irmina H. Bautista, Graft Investigation and Prosecution Officer II ng Office of the Ombudsman, kasong paglabag sa Republic Act 3019, Anti-Graft and Corrupt Practices ang isinampa laban sa ADELFA Properties, Inc., sa pangunguna umano ng may-ari at mga opisyal na sina Senador Villar, misis nitong si Cynthia, Jerry Navarete, Cynthia Javarez, Momar Santos, Marcelino Mendoza at Engineer Patrick Stephen Marasigan, na ang tanggapan ay matatagpuan sa third floor ng Star Mall, C.V. Star Avenue, Philamlife Village, Barangay Pamplona,   Las Pinas City.

Bukod dito, kasama din sa sinampahan ng naturang kaso si Barangay Chairman Rizaldy “Addie” S. Remulla ng Barangay Molino 4, Bacoor, Cavite, at mga kasabwat umano nito na sina Amy Bahian, Felix Bahian, Nehemias Garbida, Jaime Bouiron at Reynante na pawang residente ng Sitio Malipay 3 ng nabanggit na barangay. Damay rin sa kaso ang ilang kagawad ng Bacoor Police na inaalam pa ang mga pangalan.

Base sa nakasaad sa complaint affidavit ng mga residente ng Sitio Malipay 3 sa pangunguna na isa sa mga complainant na si Renator Reyna, nabatid na iligal umano ang pagpasok o ang ginawang pangangamkam ng grupo nina Villar sa may humigit kumulang na limang hektaryang lupain na matatagpuan sa nabanggit na lugar.

Nagkaroon umano ng sabwatan sa pagitan ng ADELFA Property,  barangay official at ilang kagawad ng Bacoor Police at ilang residente roon.

Napag-alaman din sa mga complainant na ang naturang lupain ay pag-aari ng gobyerno o tinatawag na Friar Land, kung saan mahigit sa 40-anyos na taon ng  nakatira ang karamihan sa mga residente na tinatayang  humigit kumulang sa 1,000 pamilya.

Nabatid na ang nabanggit na lupain ay sinugod ng humigit kumulang sa 50 mga guwardya ng Jericho Security Agency na pawang armado ng matataas na kalibre ng baril. Gaynor Bonilla

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply