Si Sally, si Noel at Ramon

PANAHON na naman ng pagtatapos ng mga mag-aaral sa eskwela. Madadagdagan na naman ang mga walang trabaho sa ating bansa. Marami na naman ang pipila sa labas ng mga tanggapan at ahensya upang magbakasakali na makakuha ng trabahong may sapat na suweldo para mabuhay.

Marami sa mga bagong nagtapos sa pag-aaral ang kakapit sa anumang oportunidad upang magkakaroon lamang ng pagkakakitaan. Hindi sapat ang trabaho na meron ang ating gobyerno upang matugunan ang pangangailangan ng ating tinatawag na “work force.” Kaya kahit anumang puwedeng mapapasukan ay papasukin ng mga Pinoy.

Ano nga ba ang “options” ng ating mga bagong gradweyt? Papasok sa call center, mag-contractual worker sa mall, maglalako ng pangako sa gilid ng daan sa pamamagitan ng “networking,” mag-aabroad, mamamasukan sa videoke bars, spa at night club o magbabakasyon muna, kung hanggang kailan pati sila di nila alam.

Ano pa nga ba? Susunod sa yapak nina Sally, Noel at Ramon? Puwede.

Alam natin na hindi papasukin ng tatlo nating kababayan ang pagbibitbit ng droga sa Tsina kung meron lang silang ibang mapagkakakitaan. Aminado naman si Sally na ang kahirapan ang nagtulak sa kanya na mangibang-bayan at kagatin ang oportunidad na makabiyahe kapalit ang pera na ipinangako sa kanya.

Ang masaklap ay may mga tao, at mga kababayan din natin, na pinagsasamantalahan ang kahirapan ng mga tulad nina Sally, Noel at Ramon. Alam ng mga mapagsamantala na desperado ang marami sa ating mga kababayan na kumita kaya madaling matukso sa kinang ng pera.

Sino ba dapat ang sisihin at pagbabayarin sa mapait na sinapit ng tatlo nating mga kababayan sa Tsina?

Tama si Benny Antiporda, dapat kanyunin ang mga drug lord na nagsamantala sa kahinaan nina Sally, Noel at Ramon. Tama rin ang Migrante na dapat pananagutan ng pamahalaan ang sitwasyon na nagtulak sa marami nating kababayan na kumapit sa patalim upang mabuhay.

Tama rin ang ilan nating mga pulitiko at taong-Simbahan na dapat maghigpit pa ang ating mga otoridad sa pagbabantay sa ating mga paliparan at pagpapalabas ng ating mga kababayan.

Ano pa nga ba ang magagawa natin? Sana matuto na tayo sa ating mga karanasan at sa mga nangyari sa ating mga kababayan na nangingibang-bayan. Marami na ang kuwento na tulad sa sinapit nina Sally, Noel at Ramon. Huwag na nating dagdagan.  Joe Torres

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply