Sikat na naman ang OFWs

DAHIL sa gulo sa Libya nasa balita na naman ang mga overseas Filipino workers. Naaalala natin sila at ipinagdarasal.

Nakakalungkot  na marami sa ating mga kababayan ang nawawalan ng trabaho dahil sa gera  doon. Pero mas malungkot na tila naaalala lang natin sila kapag nasa  alanganin ang kanilang kalagayan.

Nasaan ang mga maiingay na mga opisyal, mga obispo at mga NGO noong  nagliliparan palabas ng bansa ang mga OFWs? Nasaan sila noong kailangan  ng patnubay ang mga aalis nating mga kababayan upang makipagsapalaran sa  ibang bansa?

Di natin pinapakinggan ang kanilang karaingan kapag nagrarali sila  noon upang ipaglaban ang kanilang kalagayan. Di natin pinapansin ang  kanilang mga panawagan na sana bigyan ng katarungan ang mga paniningil  sa kanila ng mga bayarin na di naman kailangan.

Ngayon na naiipit sila sa gulo, na di naman nila kagagawan, nagkukumahog ang marami na magsalita at umarteng tumutulong.

Di  sana nalagay sa perwisyo ang buhay ng maraming Filipino kung meron lang  sanang pagkakakitaan dito sa ating bayan. Di na sana tayo  nagkakandarapa sa paglikas ng ating mga kababayan kung noon pa man ay  pinaghandaan na ng ating pamahalaan ang sitwasyong ngayon ay  kinasasadlakan ng mga OFWs sa Libya.

Di natin masisisi ang mga Filipino na umaalis sa Pilipinas upang  magbabakasakali sa ibang bansa. Ang pagiging OFW na lamang ang kanilang  nakikitang paraan upang maitawid ang kinabukasan ng kanilang mga  pamilya.

Ano nga ba naman ang pwedeng ikakabuhay dito sa atin? Kahit ano mang  kurso ang natapos mo, o anuman ang propesyon, napakahirap kumita dito.  Hindi kwalipikasyon ang kailangan sa Pilipinas upang umasenso. Ang  kailangan dito ay kung sino ang kakilala mo.

Napakalungkot na pati tayo dito sa napakalayong isla ay naaapektuhan  sa gulo sa Libya. Subalit mas malungkot kung bakit nga ba halos 30,000  na Pinoy ang napunta sa napakalayong bansa na yan sa Africa.

(Opo, ang Libya ay nasa Africa, wala sa Gitnang Silangan.)

Sige na, malungkot na tayo. Pero hindi dapat tayo hihinto sa paggawa  ng mga paraan upang maibsan ang sakit ng dagok na ngayon ay nararanasan  ng mga OFWs. Dapat nang simulan ng pamahalaan ang ibayong pagpaplano  kung ano ang dapat gawin.

Dapat araw-araw nating alalahanin ang mga sumusugal ng buhay at kapalaran para kumita ng dolyar ang ating naghihikahos na bayan.-Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply