Simbahan hindi lalambot sa RH Bill

HINDI lumalambot ang Simbahang Katoliko sa isyu ng Reproductive Health (RH) bill.

Ito ang paglilinaw ni Ricardo Cardinal Vidal, dating arsobispo ng Cebu Archdiocese, kasunod nang ipinalabas na pahayag ng Malacañang.

Sa pamamagitan ni Presidential spokesman Edwin Lacierda, sinabi nitong pumayag na umano ang Simbahang Katoliko na maideklarang ‘non-abortifacient’ o hindi elemento sa pagpapalaglag ng fetus o embryo ang condoms, at maituro ang sex education sa mga batang may edad 13.

Iginiit ni Vidal na hindi sila kailanman sasang-ayon sa anumang nilalaman ng RH bill na walang pagpapahalaga sa moralidad at buhay.

Hindi rin umano sila kailanman papayag sa anumang artipisyal na pamamaraan upang pigilan ang pag-usbong ng buhay.

“Ipagpatuloy natin ang ating paninindigan na tayo ay kontra sa RH bill, kahit pa sabihin na in-amend na ang panukala ito, hindi dapat ipasa [ang bill],” ayon kay Vidal, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Una nang nakipagpulong ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa pangunguna nina Vidal, Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales, CBCP President, at Tandag Bishop Nereo Odchimar, at CBCP secretary general Juanito Figura, kay Pangulong Benigno Aquino III nitong Miyerkules, sa Malacañang.

Inaasahang magkakaroon ng joint statement ang Malacañang at ang CBCP hinggil sa naturang pagpupulong.

Samantala, sa panig ni Figura, binigyan-diin nito na mali ang report na lumabas sa mga pahayagan na sang-ayon na ang Simbahan sa isinusulong na sex education ng RH bill.

Nilinaw ni Monsignor Figura na ipinahayag ng kanyang Kabunyian Manila archbishop Gaudencio Cardinal Rosales sa meeting na hindi tutol ang Simbahang Katoliko sa sex education per se, pero tutol sila sa sex education na isinusulong ng RH bill.

Nanindigan si Figura na mariing tinututulan ng Simbahang Katoliko ang kawalang moral ng sex education na itinuturo ng RH bill. Kyle Gatus

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply