Simbahan magpupugay sa OFWs

INILAAN ng Simbahang Katoliko ang Marso 13, Linggo, para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at idineklara itong National Migrant’s Day.

Kaugnay nito, sa nasabing araw ay mag-aalay ng panalangin ang lahat ng simbahan sa bansa para sa kaligtasan ng mga OFWs na nasa Middle East, Northern Africa, at iba pang bahagi ng mundo na dumaranas ngayon ng kaguluhan.

Ayon kay Fr. Edwin Corros, executive secretary ng Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People (PCMIP) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nais din nilang kilalanin at bigyan ng pagpupugay ang libu-libong OFWs sa kanilang malaking kontribusyon para sa pag-unlad ng bansa.

Sinabi ni Corros na nararapat kilalanin ang malaking sakripisyo ng mga OFWs kaya ang unang linggo ng Kuwaresma ay inaalay sa kanila.

Nabatid na ang pagdiriwang ay may temang “25 Years and Beyond…Pastoral Commitment of Caring for Filipino Migrants and their families” at marami umanong aktibidad ang inihanda ng simbahan sa iba’t-ibang diocese sa bansa partikular sa Davao, Cagayan de Oro, Ilocos Norte, Isabela at Northern Luzon.

Dagdag pa ni Corros, taunan na nilang isinasagawa ang pagpupugay na ito sa mga OFWs na pinasimulan noong pang 1986 sa Archdiocese ng Maynila. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply