Simpleng tanong

ANG simpleng tanong sa mga Pilipino – naniniwala ba sila na may kasalanan ang tatlong Pinoy na binitay sa China, si Sally, si Elizabeth at si Ramon?  Marahil ay magugulat ang marami sa atin na sa sampu na mga tinanong ko, 7 ang naniniwala na may kasalanan sila at 3 lang ang nagsabi na hindi nila alam o hindi sila sigurado at siguro daw ay hindi tototo ang bintang sa tatlo.

Ang mabigat na ebidensya ng mga iligal na droga na nahuli daw sa posesyon ng tatlo ang nagdiin sa kanila.

Ang hinaing lang ng maraming Pilipino ay ang sobrang tindi daw ng parusang kamatayan na ipinataw sa tatlo.

May nagsabi pa nga sa akin, bakit daw naman ganun kagrabe hindi naman daw bayolente ang kasalanan nung tatlo. Dito ay hindi ako sumang-ayon, bayolente po ang krimen na naidudulot ng iligal na droga, nakakasira ito ng buhay, nakakawasak ng pamilya, at nagiging sanhi ng mga malalagim at karumaldumal na mga krimen. Ang masaklap lang, sa China ay may death penalty at hindi natin maaring panghimasukan kung paano nila ipinapatupad ang kanilang batas bilang isang bansa at kung paano sila magpataw ng parusa sa mga krimen na sa kanilang palagay ay kamatayan ang katapat na parusa.  Pero hindi dapat mapawalang saysay ang pagkamatay ng tatlo nating kababayan – si Sally, si Elizabeth at si Ramon.  Maaring maging simula ito.

Simula na magtanong tayo kung paano natin paiigtingin ang sarili nating mga kampanya laban sa iligal na droga at drug and human trafficking. Simula na rin ito ng mga simple pero matatapang na tanong gaya ng – paano nakalusot sa airport ng Pilipinas ang mga iligal na droga na sinasabing dala daw nung tatlo? Sa anong lane sa security sila dumaan? Sino ang naka-assign noong oras na dumaan sila sa security checks. Mga simpleng tanong na maaring mahanapan ng sagot. Samantala, hayan muna natin ang pagluluksa ng buong bayan. Pagkatapos nito, umpisahan natin ang magtanong.

Ito ay isang paraan ng pagalala natin sa sinapit ni Sally, ni Elizabeth at ni Ramon.
Sumalangit nawa ang kanilang mga kaluluwa.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong salobin at opinyon. Atty. Ariel Enrile-Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply