SK ‘di dapat buwagin – Sen. Marcos

HINDI dapat buwagin ang Sangguniang Kabataan (SK).

Ito ang madiing pahayag ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos taliwas sa mungkahi ng ilang mambabatas dahil naniniwala siya na ang kabataan ang pag-asa ng bayan.

Sa ginanap na 1st SK Joint Regional Assembly For Luzon sa SBMA, Subic, Zambales nitong Linggo ng gabi, Marso 13, kung saan siya ang panauhing pandangal, hinimok ni Marcos ang mga opisyal ng SK na magmungkahi ng reporma sa istruktura at sistema ng kanilang organisasyon upang lalo pang mapasigla bilang mahalagang kabalikat ng gobyerno sa pagpapaunlad ng bansa.

Sa kaniyang talumpati, inugat ni Marcos ang pinagmulan ng SK, na itoý nilikha ng kanyang ama noong Abril 15, 1975 sa bisa ng PD 684 upang bigyan ng oportunidad ang hanay ng kabataan na marinig sa lahat ng antas ng lipunan.

“Kung mayroon mang isa sa pinakamalaking ambag na nagawa ang aking ama sa ating bansa, ito po ay ang pagkakatatag ng KB o sa ngayon ay mas kilala sa tawag na SK, sapagkat ito ang kauna-unahang pagkakataon, na binibigyan ng karapatan ang hanay ng mga kabataan na marinig ang tinig sa lahat ng antas ng lipunan,” wika ni Marcos sa mahigit 2,000 SK leaders na dumalo sa kumperensiya kabilang ang matataas na opisyal ng SK National Federation at National Youth Commission (NYC).

Nilinaw pa ng mambabatas na dapat ituring mismo ng SK na siya bilang senador ay dapat na bahagi mismo ng kanilang hanay at mananatiling ipakikipaglaban ang pananatili nito at nakahandang makibalikat sa SK na labanan ang anumang mungkahi na buwagin ito.

“Bahagi ako mismo ng inyong organisasyon, at sama-sama tayo makikipaglaban upang manatili ang kilusang ito, pero dapat nating tanggapin na mayroon din tayong pagkukulang at kailangang maitama natin ito sa loob mismo ng ating hanay,” wika ni Marcos na tinugunan ng masigabong palakpakan ng mga lider ng kabataan.

“Huwag na nating hintayin pa na ibang grupo ang magmungkahi ng pagbabago, tayo mismo ay magkonsultahan sa isa’t isa sa pamumuno ng ating national youth leaders at opisyal ng NYC upang sa gayon ay matiyak nating tumpak at naayon sa ating kagustuhan ang anumang pagbabago sa ating kilusan,” dagdag ni Marcos.

Tinukoy pa ng senador na maaaring talakayin ng kanyang Senate committee on local governments na kanyang pinamumunuan ang mga panukalang batas kaugnay ng SK bago mag-Disyembre at mahalagang marinig ng ng kanyang komite ang mismong plano ng mga kabataan para sa ikaayos ng lahat. Linda Bohol

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply