Solons: Disaster management ituro dapat sa eskuwelahan

NAIS ng isang grupo ng  mga mambabatas  na isali sa itinuturong aralin sa elementarya, sekondarya at kolehiyo sa buong bansa ang programa para sa paghahanda sa panahon ng mga kalamidad.

Nakasaad ito sa  panukalang isinulong nina Ang Kasangga Partylist Rep.Teodorico Haresco, House Assistant Majority Leader at Davao City Rep. Karlo Nograles, Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, Iloilo City Rep.Jerry Trenas at Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento na naglalayong  maging bahagi ito ng edukasyon sa Pilipinas.

Partikular na isasama sa disaster risk management program ay ang paglulunsad ng pagsasanay sa first aid, survival techniques at epektibong ugnayan kung saan ituturo rin ang tamang hakbang sa paglilikas, bio-hazard at radiation safety protocols, fire at flood risk management at iba pang aktibidad na gagarantiya ng kahandaan sa panahon ng kalamidad.

Maaari umanong isabay ang programa sa non-academic subjects tulad ng National Service Training Program (NSTP) at Reserve Officers Training Course (ROTC).

Inihayag din ni Haresco ang  kaniyang pagkabahala sa pagtaas ng bilang ng mga pagyanig sa ilang bahagi ng mundo tulad ng New Zealand at Japan at maging ng iba pang bansa na malapit sa major fault lines kasama na ang Pilipinas.

Ayon kay Nograles, malaking kahinaan ng bansa pagdating sa pangangasiwa ng mga kalamidad ay ang mabagal na pagresponde para sa paglilikas, search and rescue at iba pang humanitarian assistance.

Naniniwala naman si Sarmiento na kung maipatutupad ang disaster risk management program ay makalilikha ang gobyerno ng malaking grupo ng mga taong maagap na kikilos sa panahon ng krisis.

Iginiit naman ni Angara ang pagbalangkas na ng national emergency plan na pagtutulungan ng administrasyon at ng Kongreso sa lalong madaling panahon. Nais din nito na agad magpatawag
ng national disaster management convention upang maplantsa ang mga hakbang para sa epektibong pagtugon sa mga krisis. Beth Aragon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply