Summertime Blues

IT’S SUMMERTIME!

Nagbabala ang health experts laban sa usong sakit tuwing tag-init, ang heat stroke at dehydration.

Ang unti-unting nararamdamang pagbabago ng klima ay dahil na rin sa pagpasok ng tag-init sa bansa. Dahil dito, hindi nagpapabaya ang gobyerno sa pagpapaalala sa publiko, partikular ang Department of Health (DOH), ukol sa mga sakit na maaaring idulot ng mainit na panahon gaya rashes at iba pang sakit sa balat. Pwede ring humantong sa heat stroke at dehydration ang labis na init.

Ano ang heat stroke?

Ang heat stroke ay para ding karaniwang stroke dahil sa high blood, pero ito ay nangyayari kapag ang temperatura ng katawan ng tao ay masyadong mainit at nahihirapang mag-cool down.

Mapapansin na ang katawan ay hindi makapaglabas ng excessive heat o labis na init sa pamamagitan ng pawis o kayaý dahil sa matinding dehydration dahil sa maalinsangan at sobrang init na panahon.

Maaaring sanhi ng heat stroke:

1. Kapag ang isang tao ay gumagawa ng mabigat na gawain sa sobrang mainit na panahon.

2. Kapag sobra-sobra ang init at labis na maalinsangan ang panahon.

3. Kapag masyadong nakalantad o exposed sa matinding sikat ng araw ang isang tao.

Kapansin-pansin ang pagiging mainit ng isang taong na-heat stroke, namumula ang balat, madalas na nahihilo at parang mahihimatay. Nakararamdam din ng panghihina at nakararanas ng pagsakit ng ulo.

Ayon sa health experts, kapag ang isang tao ay may mataas na lagnat na umabot sa 41 degrees Celsius, mabilis ang tibok ng kanyang puso, kinukumbulsyon, nagdedeliryo at nawalan ng malay, huwag nang mag-atubiling isugod siya sa pinakamalapit na ospital para sa dagliang lunas.

First aid sa heat stroke

1. Ipwesto ang taong nakararanas ng heat stroke sa isang mahalumigmig na lugar o yung tinatawag na shady spot o sa labas ng bahay kung masyadong mainit sa loob. Pahigain ang pasyente na elevated o nakataas ng bahagya ang mga paa kesa sa katawan. Kung may malay naman ang pasyente ay painumin siya ng malamig na tubig.

Maaari rin siyang hubaran kung nasa loob lamang ng bahay at saka mag-apply ng malamig na tubig sa kanyang katawan at paypayan. Kung nasa labas ng bahay ay dampian siya ng bimpo na binasa sa malamig na tubig. Huwag itong ipunas o ikuskos dahil ang pagkuskos nito ay nagiging sanhi ng friction na nagdudulot ng init.

Kailangang malamigan ang katawan.Mainam rin ang paglalagay ng ice packs sa kili-kili ng pasyente, sa likod ng tuhod at sa singit na karaniwang hindi nakakasingaw ang init ng katawan.

Kapag talagang hindi kaya, dalhin na agad ang pasyente sa pinakamalapit na ospital.

Laging tandaan na “prevention is better than cure” kaya naman dapat mag-ingat tuwing mainit ang panahon at huwag itong balewalain.

Oo nga’t masarap ang mag-outing o mamasyal dahil tipon ang pamilya sa summer, pero tiyakin lamang na hindi sobrang init ang panahon. Ikaw din…kapag nagkasakit ka ngayong summer, baka lalong mabulilyaso ang bakasyon mo lalo na ang binabalak mong summer getaway.

Makabubuting gumamit din ng sun protective gears gaya ng payong, manipis ngunit mahabang damit gaya ng long sleeves na poprotekta sa ating balat. Kung magsusuot ng ganito ay maiiwasan ang init na ma-absorb ng ating katawan.

Iwasan din ang gumawa ng outdoor activities kapag matindi ang init ng panahon. Gawin ang mga ninanais kapag mas malamig-lamig na ang panahon gaya sa hapon o bago maggabi.

Higit sa lahat, uminom ng maraming tubig. Iwasang uminom ng tsaa, kape, soda at lalo na ang alkohol gaya ng alak at iba pang kahalintulad nito.

Ugaliin ang madalas na pagligo para mapreskuhan ang katawan.

Dehydration

Laganap ang dehydration kapag mainit ang panahon. Kapag nakararanas ng dehydration, nangangahulugan lamang ito na hindi sapat o kulang ang tubig o fluids sa ating katawan.

Mararanasan lamang ito kapag maraming tubig ang nawawala sa ating katawan, hindi nakagawian ang pag-inom ng sapat na tubig o kayaý sabay itong nangyari.

Ang diarrhea at pagsusuka ay sanhi rin ng dehydration. Tatlong klase ang dehydration: mild, moderate at severe. Ito ay depende kung gaano karami ang nawawalang fluids sa katawan na hindi napapalitan. Kapag severe na ang dehydration, ito ay mapanganib na.

Mga sintomas ng dehydration:
1. Kapag nanunuyo at nagbibitak-bitak ang mga labi.
2. Kapag mababa o halos wala nang urine output. Mapapansin din ang kulay ng ihi na dark yellow ang taong dehydrated.
3. Hindi na nakakapag-produce ng luha ang mata.
4. Kapag may sunken eyes, o yung tipong mukhang haggard na haggard ang mata.
5. Lethargic o comatose. Sa kasong ito ay severe na ang dehydration.

Mga sanhi ng dehydration
1. Pagtatae
2. Masyadong pinagpapawisan
3. Pagsusuka
4. Kapag hindi umiinom ng tubig
5. Kapag nakararanas ng sobrang mainit at maalinsangang panahon

Treatment

Kapag nagtatae at nagsusuka ay maaaring huminay muna sa pagkain at uminom ng gamot para makontrol ang water loss.

Inirerekomenda rin ang clear fluids lalo na sa unang 24 oras at unti-unting pagkain ng “BRAT diet” na ang ibig sabihin ay banana, rice, apple and toast.

Ang kadalasang gamot sa diarrehea ay loperamide (isang halimbawa ang Imodium na nabibili sa tindahan at mga drugstores).

Kung may lagnat naman ay painumin ng acetaminophen or ibuprofen.

Mahalagang mapalitan ang nawala at kakulangan ng tubig ng katawan.

Uminom ng maraming tubig at iba pang clear fluids gaya ng clear broths, popsicles, Jell-O at iba pang inumin na mayroong electrolytes (halimbawa ay Gatorade, Powerade at iba pang katulad nito).

Kapag malala na ang sitwasyon at hindi bumubuti ang pasyente sa oral hydration ay kailangan na ng intravenous fluid.

Kapag ang kulay ng ihi ay hindi na dilaw at kapag madami-dami na ang amount nito, ibig sabihin lamang ay nagiging hydrated na ang pasyente. Ngunit kung kaunti pa rin ang ihi at kulay dilaw, makabubuting pumunta na sa inyong doktor.

Iwas tayo sa heat stroke at dehydration para healthy at masaya ang summer.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply