Sunod na AFP chief ihahayag sa PMA graduation

ISASAPUBLIKO ni Pangulong Benigno Aquino, III ang susunod na mamumuno sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Linggo, Marso 6, sa kanyang pagdalo sa Philippine Military Academy (PMA) Class 2011 Commencement Exercises sa Baguio City.

Nakatakdang mag-retiro sa puwesto ang kasalukuyang AFP chief of staff na si Gen. Ricardo David sa Marso 8.

Nagbigay na ng “clue” ang Commander-in-Chief na ang katangian ng maglilingkod sa sambayanang Pilipino at hindi ang pansariling kapakanan ang nakikita niya na kanyang pipiliin sa susunod na liderato ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Subalit tumanggi muna ang Pangulo na banggitin ang mga pangalan na kabilang sa short list ng mga heneral na magkakalaban sa top post ng AFP.

Aniya, kung sino ang higit na makakatulong sa kanya sa pagpapatupad ng reporma at modernisasyon sa AFP ang nakalalamang na kanyang basbasan na sumunod na pamunuan ang militar sa buong bansa.

“The President will be announcing the new chief of staff on Sunday in his address to Philippine Military Academy graduates. May napili na siya but it’s a matter of announcing on Sunday kung sino ang magiging chief of staff,” ani Presidential Spokesperson Edwin sa panayam kahapon sa Palasyo.

Ang papalitan na AFP Chief na kabilang sa PMA Class 1977 ay inirekomenda bilang kanyang kapalit sa puwesto ang 11 three-star generals at dalawang lower ranked generals.

Si Gen. David ay una nang personal na inalok ni Pangulong Aquino ng puwesto sa gobyerno sa pagwawakas ng kanyang “Tour of Duty.”

Inihayag pa ni Pangulong Aquino sa mga mamamahayag noong isinagawang Command Conference sa Kampo Aguinaldo na sa kanyang pakikipag-usap kay Gen. David ay 100-porsyento na ito na tatanggapin ang puwesto sa gobyerno sa pagtatapos ng kanyang serbisyo bilang sundalo.

Ang mga pangalan na sinasabing naglalaban sa AFP top post ay kinabibilangan nina AFP Vice Chief Lt. Gen. Reynaldo Mapagu (PMA 1978), AFP Deputy Chief Lt. Gen. Eduardo Oban (PMA 1979), AFP Deputy Chief of Staff for Operations Maj. Gen. Emmanuel Bautista, Army Chief Lt. Gen. Arturo Ortiz (PMA 1979), Air Force Chief Lt. Gen. Oscar Rabena (PMA 1978), Western Command Chief Lt. Gen. Juancho Sabban (PMA 1978), Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Raymundo Ferrer (PMA 1977) at 2nd Infantry Division chief Maj. Gen. Jessie Dellosa. Axel Sam

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply