Sunog, landslide at pag-uwi ng OFWs

o PANGULONG Noynoy, dumating tayo sa isang panahon na nakaloloko na ang mga pangyayari.

Magkakasunod ang mga sunog na pumapatay ng buong pamilya.

Naganap ito sa Quezon City at Makati City.

Nitong huli, kahit summer o tag-init na, eh, may mga siyam-siyam na ulan na dahilan naman ng landslide.

Habang sinusulat natin ito, may pito nang patay sa landslide sa lalawigan ng Leyte.

Magkakasabay naman ang mga problema natin sa mga overseas Filipino worker sa Japan at sa Middle East at North Africa.

Sa Japan, may 250,000 OFW na nagkakaproblema sa pagsabog ng nuclear plant sa northeast Japan.

Sa Libya, North Africa, may mahigit pang 10,000 OFW na nandoon at naiipit sa mabangis na digmaan ngayon sa pagitan ni Moammar Gadahfi at mga rebelde.

Nanganganib sila dahil umabot na sa bombahan at kanyunan ang labanan.

Sa Bahrain, nasa 30-50 OFW naman ang nanganganib sa buhay at ari-arian sa pag-init ng people power laban sa mga nanunungkulan  doon.

Tila wala nang konsesyon at nagsimula nang gumamit ng mga puwersa militar ang gobyernong Bahrain.

Nagpadala na rin ang ilang Arabong bansa ng mga puwersa militar dito para pigilin ang lumalakas na people power.

Ninenerbiyos naman ang Saudi Arabia na mayroong nasa 1.5 milyong OFW.

oOo

Siyempre, iba pa ang napakabigat nang problema sa presyo ng pagkain, tubig, kuryente at iba pa.

Andiyan din ang salot na oil price hike na wala nang nakaaalam kung ano talaga ang nararapat na presyo ng mga produktong petrolyo.

Lumabas din sa rekord na lalong dumarami ang istambay o walang trabaho at nasa 100,000 obrero ang dagdag na istambay sa nakalipas na limang buwan.

oOo

Ang isang tanong: ano-ano na, Mr. President, ang mga ginagawa ng inyong administrasyon sa mga problemang ito?

Kabilang sa mga kagyat at napakaimportanteng problema ang pagpapauwi, pag-uwi at pagsalo sa milyones na OFW dahil sa sakuna sa Japan at kaguluhan sa North Africa at Middle East.

Dadatnan pa nila ang hirap sa mahal kong Pinas dulot ng mahal na langis,  kawalan ng trabaho at iba pang kamalasan.

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Benny Antiporda

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply