Tama lang na kalawitin ang mga korap sa militar

TIYAK na walang tututol sa hanay ng militar sa pamamagitan ng kudeta o kauri nito sa ginawa na pang-aaresto ng Senado kay ex-military General Jacinto Ligot.

Lalo na sa hanay ng mga dayunyor na opisyal na laging nangunguna sa pag-aaklas laban sa katiwalian.

Kung meron mang magpapakita ng disgusto sa ganitong pangyayari, ipasakamay natin sila sa mga kagawad mismo ng militar na may mabubuting kamay. Sa totoo lang, bibihira lang ang mga yumayakap sa katiwalian at nagpapakamatay para rito.

Malaki ang pagtitiwala natin na higit na ipagtatanggol ng mga kawan ng militar ang kanilang institusyon hindi lang dahil sa kanilang pakinabang dito kundi dahil sa kanilang sinumpaang tungkulin na ipagtanggol ang buong lahi ni Juan mula sa mga kawatan, sino man ang mga ito.

oOo

Talagang oras na para magpakita ng pangil ang Senado o ang pamahalaan laban sa mga kalawang sa militar  at pablik serbant. Ang mga kalawang na ito ang sumisira sa gintong halaga ng mga kasundaluhan sa repablik ni Juan.

Hindi naipatutupad nang maayos ng mga sundalo ang kanilang mga tungkulin dahil sa kakulangan ng pondo na kagagawan ng mga korap.

Sa oras ng mga disgrasya, nakaaawang tingnan ang masaklap na dinaranas ng mga biktima.

Yung mga nabubulag, nababalda at dumaranas ng mga kapansanan dahil sa kanilang kagitingan at katapatan sa bayan ay nakaaawang tingnan at nasasadlak sa paghihirap at gutom maging ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ito’y dahil sa kagagawan pa rin ng mga kawatan sa taunang badyet ng kasundaluhan at sa mga pensyon at iba pang benepisyo na dapat nilang matanggap.

Alalahaning hindi lang sa opis ng comptroller may iskam kundi sa RSBS at iba pang pinaglalagakan ng salapi ng mga sundalo. Rey Briones

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply