Pakialamerong tauhan ni MIAA GM Honrado kinastigo

BINATIKOS ng ilang kawani ng Bureau of Customs, Office of the Transportation Secretary at PNP Aviation Security Group ang tauhan ni MIAA General Manager Jose Honrado dahil sa lantarang pakikialam sa gawain ng mga tauhan ng naturang ahensiya.

Kinilala ang tauhan ni GM Honrado na si Silvederio Eduardo, contractual employee ng LBP Services Corporation at nakatalaga sa tanggapan ni GM Honrado.

Lumalabas na ang unang insidente ng pakikialam ni Eduardo ay nangyari noong Marso 15, alas-8:25 ng umaga sa initial Security Check sa Departure Area ng NAIA Terminal 1.

Napag-alaman na habang dumadaan sa X-ray machine ang bagahe ni Divina Grasia Bandong, pasahero ng KLM flight KL 804 patungong Amsterdam ay nakita ang kakaibang hugis sa loob ng hand carried baggage nito.

Ipinaalam ng Duty X-ray Operator, na hindi nagpabanggit ng pangalan ang kanyang nakita sa Duty PNP ASG Supervisor na si PO3 Linda Estacio.

Dahil dito, isinailalim sa manual inspection ang bagahe ni Bandong kung saan nakita ang dalawang bote ng bagoong na nakabalot sa bubble-type plastic at binalutan ng bulak upang hindi tumapon at mangamoy.

Bagamat ipinagbabawal ang pagdadala sa hand-carried luggage ng ano mang uri ng pagkain na may mataas na salt content tulad ng bagoong, pinahihintulutan naman ito kapag properly sealed ang lalagyan.

At dahil selyado naman ang dalawang boteng bagoong na dala ni Bandong, pinahintulutan ni PO3 Estacio na dalhin ng pasahero ang nasabing bagahe.

Sa puntong ito, nakialam na umano si Eduardo at kinuwestiyon ang desisyon ni Estacio.

Sinabihan pa umano ni Eduardo ang pasahero ng: “Bakit may namumuo bang usapan dito?” at dito na ipinakumpiska ni Eduardo ang dalawang bote ng bagoong.

Ang pangalawang insidente ay nangyari naman noong Marso 15 dakong 10:05 ng umaga sa lugar kung saan nangyari ang unang insidente.

Isang Korean passenger na kinilalang si Shin Hyodong ang pansamantalang pinigil ng mga kawani ng OTS at PNP ASG nang makita ang dala nitong tatlong piraso ng mahabang “used cable wire.”

Isinailalim sa masusing pagsusuri ang laman ng bagahe ng Koreano sa hinalang ang tatlong cable wire ay gamitin sa pampasabog na posibleng nakatago sa bagahe ng pasahero.

Nang mag-negatibo sa bomb component ang naturang cable wire at laman ng bagahe ng Koreano, inindorso ng mga kagawad ng OTS at PNP ASG ang cable wire sa kawani ng Bureau of Customs dahil posibleng taxable ang naturang cable wire.

Nang ma-evaluate ng kawani ng BoC ang cable na luma na at walang commercial value, hindi na ito pinagbayad ng buwis.

Sa puntong ito ay muling nakialam si Eduardo at pinagalitan umano ang kawani ng BoC at OTS bakit pinayagan nilang dalhin ng pasahero ang cable na isang bomb component at muling ipinakumpiska ni Eduardo ang cable wire.

Nabatid na si Eduardo ay walang maipakitang written authority na galing sa tanggapan ni GM Honrado subalit patuloy na nakikialam sa trabaho ng BoC, OTS at PNP ASG. Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply