Tax evaders tutugisin ng BIR

NAGDEKLARA na ng ‘all-out-war against tax evasion’ si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Jacinto-Henares, indikasyon na gagamit na sila ng ‘kamay na bakal’ para ipakulong at kasuhan ang sinumang mandadaya sa pagbabayad ng tamang buwis.

Una nang binatikos ng batikang abogadong si Socrates Aguinaldo, isang retiradong intelligence agent ng BIR si Commissioner Henares dahil sa aniya’y mabagal at kawalang aksiyon sa mga prominenteng dapat imbestigahan dahil nakatengga ang tax cases sa ahensya dahilan kaya hindi makolekta ang bilyon-pisong ‘uncollected taxes’.

Inihalimbawa ni Aguinaldo ang umano’y pagsasawalangkibo ng BIR chief sa nabunyag na P40 milyong mansion na ipinatayo umano ni Executive Secretary Jojo Ochoa na hanggang ngayon ay hindi kinakanti ng BIR.

Maging ang star-witness na si Col. Rabusa ay hindi rin umano masampahan ng kasong tax evasion gayung umamin nang ini-withdraw sa banko ang P200 milyon bahagi ng sinasabing ‘pabaon system’ sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kainitan ng Senate investigation kamakailan.

Kabilang sa sinasabi ni Atty. Soc Aguinaldo na umano’y mga kasong hindi pinapansin ni Commissioner Henares ay ang paghahabol ng BIR sa P25 bilyong estate tax ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos; ang P3 bilyong withholding tax sa pera ni dating Pangulong Joseph Estrada na nakaimbak sa banko; ang P1.8 bilyong capital gains at documentary stamps tax ng kompanyang Amvel na pag-aari ni Sectoral Representative at El Shaddai Leader Mike Velarde; P21 milyong capital gains tax kay former BIR Commissioner Jose Ong; ang hindi pagkaltas ng buwis sa mahigit 100 ‘instant millionaires’ na nagsipagwagi sa  pa-Premyo sa Resibo ng Philweb at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) organizer at iba pa.

Sa paglulunsad ng ‘national tax campaign’ ng Large Taxpayers Service na pinamumunuan ni Revenue Assistant Commissioner Zenny Garcia, sinabi ng BIR chief na ang Kawanihan ng Rentas Internas ay patuloy na tutugis sa sinumang taxpayers na patuloy na nandaraya sa pagbabayad ng buwis.

Ang Large Taxpayers Service ang nagsisiyasat sa ‘first 5,000 bigtime taxpayers’ sa bansa.

Tinataya na nasa 60 percent ng kabuuang P940 bilyong target tax goal ang iniatang para kulektahin ng nasabing tanggapan at ang natitirang 40 porsiyento ay paghahati-hatian ng 19 regional offices at 134 revenue district offices sa buong kapuluan para kolektahin.

Masusubok naman ang tapang ni Commissioner Henares sa sandaling gamitin ang puwersa ng kanyang BIR National Investigation Division at maging ang revenue special investigation branch na nasa regional at district offices laban sa ‘untochable persons’ tulad ng politicians, cabinet members, bureau chiefs, professionals at iba pang ‘delinquent taxpayers’ na pawang hinahabol ng BIR sa kanilang pagkakautang.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply