Taxi driver umalma sa holdap ginilitan ng leeg

GINILITAN ng leeg ng hindi pa nakikilalang suspek ang isang taxi driver nang tumanggi ang biktima na ibigay ang kanyang kinita sa pamamasada, Sabado ng gabi sa Taguig City.

Patay na nang datnan ng mga pulis-Taguig ang biktimang kinilala lamang sa alyas “Roger Putol”, driver ng Detergius Taxi (TXX-446) sanhi ng malalim na sugat na tinamo sa leeg.

Batay sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Taguig police chief Sr. Supt. Tomas Apolinario, nilimas lahat ng suspek ang lahat ng salaping kinita ng biktima, pati na ang kanyang wallet na pinaglalagyan ng lisensiya kaya’t hindi kaagad matukoy ng pulisya ang tunay na pangalan ng biktima.

Tinangka namang habulin ng ilang kalalakihan ang suspek subalit nagawa na nitong makalayo bago pa man matuklasan ang bangkay ng biktima sa driver’s seat ng ipinapasadang taxi dakong 7:50 ng gabi.

Lumabas sa imbestigasyon na nagpanggap na pasahero ang suspek subalit pagsapit sa southbound lane ng C-5 Road malapit sa Palar Village, Barangay Pinagsama ay nagdeklara na ng holdap ang salarin.

Hinala ng mga imbestigador na posibleng nanlaban ang biktima kaya ginilitan siya ng leeg ng suspek bago nilimas ang kanyang kinita at tumakas. Johnny F. Arasga

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply