Kalaguyo ni misis utas kay mister

MATINDING selos ang nagtulak sa isang matansero para pagsasaksakin niya at mapatay ang umano’y kalaguyo ng kanyang misis matapos niyang maaktuhan ang mga ito na naghahalikan sa loob ng minamanehong taxi ng biktima sa Quezon City Martes ng gabi.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen ang biktimang si Ruel Panganiban, 39, taxi driver, ng 933 Oroqueta St., Sta. Cruz, Maynila, bunga ng tinamong mga saksak sa katawan.

Sugatan namang nakatakas si Jocelyn, asawa ng nahuling suspek na si Johnson Justiniano, 40, matansero at vendor. Ang dalawa ay kapwa residente ng 2283 Bicol Leyte St., Barangay Commonwealth, Quezon City.

Batay sa isinumiteng ulat ni PO3 Joselito Gagasa ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente bandang 11:30 ng gabi sa harap ng Commonwealth Market sa nasabing barangay.

Ayon sa suspek, patungo sana siya sa palengke para magtinda nang mamataan niya ang asawang  si Jocelyn na nakikipaghalikan kay Panganiban sa loob ng minamaneho nitong taxi (PXK 926).

Dahil dito, magkasamang selos at galit ang nagtulak kay Justiniano, na nagkataong may dalang kutsilyo, para sugurin ang dalawa at pagsasaksakin.

Napuruhan umano si Panganiban na siyang ikinamatay nito, habang nakatakas si Jocelyn na may tama ng saksak sa kanyang braso. Alex Ching

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply