Teknolohiya vs ghost employee ikinasa ng QC gov’t

HINIMOK ni Quezon City Mayor Herbert M. Bautista si Vice Mayor Joy Belmonte na ipatupad agad ang electronic attendance (e-attendance) system sa lahat ng tanggapan ng mga konsehal sa siyudad.

Inihayag ni Bautista ang panawagan matapos na ireklamo sa Office of the Ombudsman ng diumano’y isang dating empleyado ng city hall ang tatlong konsehal na marami umanong “multo” o “ghost employees.”

Kasalukuyan nang ipinatutupad sa executive department ng lokal na pamahalaan ang E-Attendance at sa susunod na mga araw at panahon ay ito na ang magtsi-check at magtatala ng araw-araw na time-in at time-out sa mga regular at kontraktuwal na kawani ng City Council.

Aniya, angkop na sa panahon na maipatupad ang E-Attendance sa legislative department ng pamahalaang lungsod dahil halos 100% na itong kumpleto sa lahat ng executive departments/offices, task forces at units ng city hall.

“Vice Mayor Belmonte is doing all her best to address the issue of ghost employees within the legislative department. We in QC Hall are trying to put all things in proper perspective. We are now in the process of correcting things to assure the QC residents that their taxes paid are put into good and right use,” sabi pa ni Bautista.

Nagpapatupad na rin umano ng mga polisiya at hakbang si Belmonte, kabilang na ang pagpapakuha ng larawan ng mga empleyado na pangangasiwaan ng City Personnel  Office upang matiyak na walang ghost employees sa mga payroll nito.

Bago pumutok ang isyu ng ghost employees ng mga konsehal, alinsunod sa kautusan ni Bautista ay nagpalabas ng memorandum si city administrator Victor B. Endriga na simulan na ang implementasyon ng e-attendance ngayong buwan.

Matatandaang tatlong konsehal ang inireklamo ng isang Jimmy Lee Davis sa Ombudsman dahil sa pagkakaroon umano ng mga multong kawani sa kanilang tanggapan.

Kabilang sa mga naparatangan ay sina 1st District Councilor Francisco “Boy” Calalay, 2nd District Councilor Roderick Paulate at 4th District Councilor Marvin Rillo.

Pinabulaanan naman ni Rillo ang nasabing alegasyon at iginiit na handa siyang ilantad ang sinasabing  mga ghost employees na nasa tanggapan niya dahil tunay naman silang kawani na nagtatrabaho sa siyudad habang wala namang naging pahayag sina CAlalay at Paulate sa nasabing alegasyon. Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply