‘Timing’ ni Ping

“TIMING” ang pagbabalik ni Senador Ping Lacson sa bansa. Magsisimula na kasi ang “impeachment trial” ni Ombudsman Merceditas Gutierrez sa Senado at kailangan ng 16 na boto ng mga senador upang tuluyang ma-impeach ang ombudsman.

Sana naman hindi maaagaw ng pagbabalik ni Senador Ping ang init sa kaso laban sa ombudsman. Sana mas lalo pang maisulong ang imbestigasyon sa umano’y mga pagkakasala ng mga opisyal sa ilalim ng dating administrasyon ng pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ngayong nandiyan na ang senador.

Siguradong magiging mainit ang talakayan sa Senado ngayong lumantad na si Senador Ping. Ibang usapin siyempre, at dapat ipaubaya sa korte, ang isyu tungkol naman sa mga kasong kanyang kinakaharap.

Marami rin naman kasing kontrobersiya na kinasasangkutan si Senador Lacson.

Andiyan ang tila walang kamatayang isyu ng pagpaslang noong kalagitnaan ng 1990s sa mga pinagsususpetsahang miyembrong ng Kuratong Baleleng Group. Nandiyan din ang umano’y pagkasangkot ng senador sa pagpaslang kay Bubby Dacer at sa kanyang drayber na si Emmanuel Corbito.

Magiging “busy” ang Senado at ang media na nagkokober doon sa mga darating na araw. Maraming istorya na manggagaling sa Senado, kasama na ang imbestigasyon sa mga umano’y anomalya sa militar at sa Defense department.

Sana huwag ding kaligtaan ng mga senador, kasama na ang mga kongresista, ang iba pang isyu na kinakaharap ng sambayanan. Sana huwag magiging panakip-isyu ang pagbabalik ni Senador Ping at ang impeachment ni Gutierrez sa mga usaping tulad ng kalagayan ng mga OFW, pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga bilihin, ang pagkasira ng kalikasan at ang pamamaslang ng mamamahayag at mga aktibista.

Magaling ang “timing” ng pagbabalik ni Senador Ping. Napakarami ng mga usapin na kailangan ang kanyang kaalaman sa Senado. Sana lang magiging patas siya at huwag isipin ang sariling kapakanan sa mga susunod na hakbang na kanyang gagawin bilang mambabatas.

“Timing” ang pagbabalik ni Ping sa gitna ng mga usapin, lalo na, alam naman natin na maraming mga mambabatas na tatalun-talon sa kung saang bakod kapag maiinit na ang mga usapin. Joe Torres

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply