Tinapyas na badyet ng DFA ipinababalik

IPINABABALIK ni Sen. Manny Villar ang 46% tinapyas sa budget ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong taon para sa 2012.

Isinulong din ng senador ang paglalaan ng dagdag na pondo para sa pagbuo ng augmentation team na tutulong sa Japan at sa mga bansa sa gitnang silangan na nahaharap ngayon sa krisis.

“Malaking dagok sa OFWs ang malaking tapyas sa budget ng DFA ngayong taon. Matindi ang naging epekto nito sa mga hakbang ng gobyerno para maagapan ang mga nangangailangang OFW. Kailangang maitama ito sa lalong madaling panahon lalo na at binabalangkas na ng ehekutibo ang budget para sa susunod na taon,” ayon kay Villar.

Kaugnay nito, hinikayat ni Villar ang gobyerno na kaagad magpadala ng augmentation team sa Japan upang makatulong sa may 300,000 Pinoy na nandoon.

“Magiging epektibo lang at makakakilos ng maayos ang mga kawani ng ating embahada sa Japan kung madadagdagan sila ng mga tao at pondo para sa pagkain at pangangailangang medikal ng ating mga kababayan doon,” ani Villar.

Ani Villar, kailangang may dalang satellite phones ang augmentation team at sapat na pera para makapagrenta ng mga sasakyan sa paghahatid ng mga pagkain, kumot, gamot at iba pang pangangailangan ng mga biktima ng lindo at tsunami sa Japan.

“Nakatanggap tayo ng ulat na kailangang kailangan ng mga residente na malapit sa sentro ng lindol ang pagkain, makakapal na kumot at maging flashlights,” ayon pa kay Villar.

Aniya, malaking pondo ang kailangan upang matugunan ang pangangailangan ng daan-daang libong Pinoy na naninirahaan sa iba’t ibang dako ng Japan.

Napatunayan na aniya ang kakulangan ng pondo at kahandaan sa isinagawang paglilikas sa mga Pinoy na naiipit sa kaguluhan sa Libya at dapat na may aral na matutunan ang gobyerno sa naturang pangyayari. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply