Transport group hihirit ng P8.50 minimum fare hike

MULING ikinakasa ng isang transport group ang dagdag singil sa pasahe sa mga pampasaherong jeep.

Ang hirit taas-pasahe ay bunsod ng kabi-kabilang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, kaya hihirit ang transport group na Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na maibalik sa orihinal na P8.50 ang minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep.

Sinabi ni FEJODAP President Zenaida Maranan na kung papalo sa P47 ang kada litro ng diesel na ngayon ay naglalaro na sa P45 kada litro, mapipilitan na silang ipalo sa P8.50 ang pasahe.

Hiling ng grupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pag-aralan na ang pagbabalik ng P0.50 sa pasahe sa jeep dahil hindi na nila kakayanin pa ang panibagong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Magugunitang P8.50 ang dating pamasahe sa jeepney pero boluntaryong ibinaba ng transport group sa P7 matapos bumaba noon ang presyo ng petrolyo ngunit pinagbigyan ng LTFRB ang provisional fare increase at ginawang P8 ang pamasahe matapos magmahal na muli ang produktong petrolyo.

Samantala, pupulungin naman ngayong araw ng transport group na Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ang mga jeepney operator mula sa Alabang, Taguig, Caloocan at Pasig para plantsahin ang paghahain ng petisyon para sa fare hike.

Sinabi ni ACTO President Efren de Luna na P1.50 naman ang posible nilang ihaing petisyon para sa unang apat na kilometro. Johnny F. Arasga

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply