Transportasyon hindi naparalisa ng caravan

HINDI naparalisa ng transpot caravan na ikinasa ng militanteng  transport group na Pinagisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) kaninang umaga, Marso 31 ang transportasyon.

Ito ang ipinahayag ni Chairman Nelson Laluces, ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos mabahala na tatanggalan ng prangkisa ang mga operator at driver na mapatutunayang lumahok sa nasabing transport strike.

Ayon kay Laluces, sa kanilang pananaw walang pinagkaiba ang transport caravan sa transport strike.

“Whether it’s a caravan, holiday or strike, pare-pareho ang tingin namin diyan. Kapag may na-stranded na pasahero, ibig sabihin lang nagkulang sila sa obligasyon nila under their franchise,” saad ni Laluces.

Sinabi ni Laluces, 200 lamang ang sumama sa caravan. Aniya, hindi naman siguro maaapektuhan ang mga pasahero dahil hindi naman lahat ng transport organizations ay sumama sa caravan.

Ang caravan ay inilunsad ng Piston bilang protesta sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng petroleum products lalo na ang diesel na pangunahing gamit ng mga ordinaryong dyipni drayber.

Sa hiwalay na interview, sinabi ni George San Mateo, Secretary General ng Piston, wala silang dapat na ikabahala sa warning ng LTFRB na tatanggalan sila ng prangkisa dahil sa ginawang caravan.

Ayon kay San Mateo, ang pananakot na ito ng LTFRB ay malinaw na political harassment. Sinabi rin ni San Mateo na ang totoong perwisyo sa taong bayan ay ang mga dambuhalang kumpanya ng langis dahil sa pagtataas ng presyo ng petrolyo. Alex Ching

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply