Tsunami: Paano ito haharapin?

TULUY-TULOY ang mga kalamidad sa mundo ngunit karamihan ay hindi alam ang gagawin pagdating ng araw ng ganitong pangyayari.

Alam natin na kasalukuyan nang isinasagawa ang fire at earthquake drills sa mga paaralan at tanggapan. Ngunit bukod sa sunog at lindol, ang iba pang uri ng kalamidad ay hindi gaanong nabibigyan-pansin.

Ang isang malinaw na halimbawa ay ang magkasunod na lindol at tsunami sa Japan noong Biyernes, Marso 11.

Kasunod pa nito ang pagtaas ng tsunami alerts sa 19 na probinsya sa Pilipinas at iba pang bansa.

Ayon sa mga ulat kahapon ng CNN, ang Japan ang isa sa mga pinakahandang bansa kung lindol ang pag-uusapan. Ngunit tila hindi ito ang kaso kung ang video footages ang pagbabasehan.

Tila mga laruan lamang na tinangay ng naglalakihang alon ng tsunami ang mga gusali, mga kotse at anumang nadaanan nito.

Tubig-pader

Ang tsunami ay isang kalamidad sa porma ng malalaking alon ng tubig na rumagasa sa lupa. Minsan ay umaabot ito sa 100 talampakan ang taas at hanggang sa 500 kilometro per hour ang bilis.

Ang tsunami ay nililikha ng malalakas na lindol sa ilalim ng karagatan, lalo na kapag nabiyak ang tectonic plates at biglaang umangat o bumaba ang isa sa mga ito na nagreresulta sa malubhang pagbabago ng mga pressure at kalalagyan ng tubig.

Maaari ring bunsod ito ng mga underwater landslides at pagsabog ng bulkan sa ilalim ng dagat na nakakapagbago ng kurso ng tubig.

Nangyari na noon, ano pa kaya ngayon?

Bihirang tumama ang tsunami sa Pilipinas, ngunit hindi ibig sabihin na hindi mangyayari sa ating bansa ang naranasan ng Japan.

Kung ating babalikan ang panahon, madidiskubreng nangyari na nga ito sa Pilipinas.

Halimbawa, noong Agosto 16, 1976, tumama ang isang magnitude 7.9 na lindol sa Mindanao na nagresulta sa isang tsunami na pumatay sa mahigit 2,000 at nag-iwan ng 9,500 na sugatan. Halos 93,500 naman ang nawalan ng tirahan.

Tinamaan nito ang mga lalawigan ng Cotabato, Pagadian, Zamboanga, Basilan, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Maguindanao, Sultan Kudarat, Sulu at Zamboanga del Sur.

Isa ring tsunami ang tumama sa Pilipinas kamakailan lang.

Noong Nobyembre 15, 1994, isang magnitude 7.1 na lindol naman ang tumama sa may Baco, Mindoro malapit sa Verde Island at bumuo ng isang tsunami.

Umabot sa 78 katao ang namatay at 430 naman ang sugatan. Halos 7,000 tirahan ang sinira ng kalamidad. Nag-iwan din ito ng mga sirang kalsada, tulay at mga gusali.

Limang minuto matapos ang lindol ay isang tsunami ang nabuo at dumating sa kalupaan nang walang kaabog-abog.

Hindi kami tatamaan niyan!

Maaaring may mga paghahanda na tayo sa apoy at lindol, ngunit ano nga ba ang mga safety precautions para sa tsunami?

Heto ang ibang tips mula sa Pacific Disaster Center ng Hawaii:

Habang maaga, alamin kung nakatira, nagtatrabaho o pumapasok ka sa tsunami inundation zone, pati na rin ang elevation o ang taas mo mula sa sea level. Maging pamilyar na rin sa mga warning signs para sa tsunami, tulad ng mga lindol at reported volcanic eruptions.

Mas mainam din kung makapaghahanda ng evacuation and disaster kit na naglalaman ng mga rasyon, damit, radyo at mga baterya.

Magsaad din ng lugar na mataas at malayo sa pwedeng tamaan ng tsunami.

Laging maging updated sa oras ng napipintong panahon ng lagim. Makinig sa mga radyo nang malaman ang mga anunsyo at impormasyon sa mga gagawin.

Lumikas pag inanunsyo na ang alerto at laging dalhin ang cellphone o tiyaking bukas ang linya ng mga telepono para sa emergency. Mas makabubuti na rin na lumayo sa mga lugar na malapit sa karagatan.

Bukod sa mga ito, maaaring bisitahin ang website ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at Philippine Institute of Volcanology and Seismology para sa mga anunsyo hinggil sa mga kalamidad sa Pilipinas.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply