Tulong ni Imelda sa OFWs sa Libya tinabla ng Palasyo

HINDI pumayag ang Palasyo sa pakikilahok ni dating Unang Ginang at ngayon ay Ilocos Sur Rep. Imelda Marcos sa paglilikas ng mga natitira pang overseas Filipino worker (OFW) sa Libya kahit nag-alok ito na kausapin si Libyan leader Muammar Ghadaffi na tiyakin ang kaligtasan ng Pinoy sa nasabing bansa.

Sa panayam, sinabi ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nagpahatid na ng mensahe ang kanilang pamilya sa tanggapan ni acting Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario upang payagan ang kanyang ina na makausap si Khaddafi.

“Nagpabigay na kami ng mensahe sa tanggapan mismo ni Secretary del Rosario para kausapin ng aking ina si Ghadaffi para sa kaligtasan ng ating mga kababayan sa Libya. Pero, mukhang wala pa silang tugon,” ayon kay Marcos.

Sinabi ni Marcos na hindi dapat lagyan ng pulitika ang kusang-loob ng kanyang pamilya na makausap ni Mrs. Marcos ang Libyan leader dahil kaibigan naman nito si Ghadaffi.

“Kung puwede sana tawagan lang niya para sa kaligtasan ng ating kababayan doon.O kahit hindi si Ghadaffi, kahit sinong malalapit sa kanya. Kilala naman siya doon,” ayon kay Marcos.

Ngunit, hanggang ngayon, ayon pa kay Marcos, wala pang tugon ang DFA para payagan si Mrs. Marcos na matawagan ang Libyan leader.

“Matagal na naming ipinagbigay-alam sa kanila, pero mukhang wala dito si Secretary del Rosario. I think nasa labas (ng bansa) yata siya,” aniya.

Matatandaang si Mrs. Marcos ang siyang nanguna sa delegasyon ng Pilipinas noong Disyembre 23, 1976 sa Lungsod ng Tripoli hinggil sa kasunduang pangkapayapaan ng gobyerno sa Moro National Liberation Front (MNLF).

Bukod kay Marcos, kasama din sa delegasyon si dating National Defense Undersecretary  Carmelo Barbero, Prof. Nur Misuari, chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF), Dr. Ali Abdusaalam Treki, minister of state for foreign affairs ng Libyan Arab Republic at  chairman of the negotiations, at Dr. Amadou Karim Gaye, secretary-general ng Organization of the Islamic Conference.

Sinuportahan naman nina Sen. Teofisto Guingona at Sen. Manny Villar ang hakbang na ginawa ni Mrs. Marcos.

Anila, dapat pahalagahan at huwag bale-walain ng administrasyon ang alok ng dating Unang Ginang.

“Of course (maganda ang tulong), walang masama dahil makatutulong ito sa kaligtasan ng mga Pinoy. Lahat ng tulong, i-welcome natin,” giit naman ni Villar. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply