Tulungang OFWs ‘wag lang sa Libya — Villar

KAHIT higit na nangangailangan ng tulong ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nasa Libya dahil sa patuloy na kaguluhan doon, iginiit ni Senador Manny Villar sa pamahalaan na huwag kalimutan ang iba pang Pinoy na nangangailangan din ng tulong na nasa iba’t ibang bansa tulad sa Saudi Arabia.

Ito ang naging panawagan ni Villar dulot na rin ng patuloy na pagdami ng distressed OFWs sa Saudi na gusto nang umuwi sa Pilipinas.

Nabatid na daan-daang OFWs ang pansamantalang namamalagi sa gilid ng konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, ilalim ng tulay sa Khandara at maging sa Hajj Seaport Terminal.

Kamakailan, dumating sa bansa ang 18 OFWs sa tulong ng Sagip-OFW program ni Villar kasama ang apat na bata na kabilang sa mga naninirahan sa ilalim ng tulay sa Khandara na biktima ng paglubog ng baha sa Jeddah noong nakaraang buwan.

Napag-alaman din na may 500 OFWs naman ang nanunuluyan sa deportation area sa Hajji seaport terminal at naghihintay na mapabalik sa Pilipinas.

Ani Villar, dapat maging handa ang pamahalaan sa mga problemang kinakaharap ng mga OFW sa iba’t ibang bahagi ng mundo dahil  ito ang nagpapasok ng malaking dollar remittance na bumubuhay sa ekonomiya ng bansa.

Binigyang diin pa ng senador na hindi lamang ito ang problema sa Libya at middle east na kinakaharap ng bansa, nakaamba rin ang problema ng mga Pinoy sa Taiwan gayundin ang mga Pinoy na biktima ng paglindol sa New Zealand.

Kapag natapos na ang paglilikas sa mga Pinoy sa Libya, nais ng senador na magkaroon ng imbestigasyon para mapahusay ang kahandaan ng pamahalaan sa pagtugon sa problema ng mga Pinoy sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Vicky Cervales

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply