Ulan sa tag-araw

UMUULAN sa Maynila nitong mga nakalipas na araw. Wag mabahala, hindi pa katapusan ng mundo. Ayon sa Pag-asa, dala lang ng “low pressure area” ang pagsusungit ng panahon.

Subalit di mapipigilan ang mga nagtataka. Bakit daw kasi umuulan sa tag-araw. Malapit na ang Semana Santa pero sa halip na sikat ng araw, ambon ang gumigising sa atin tuwing umaga.

Kaya mag-ingat sa sipon at lagnat. Huwag kalimutang uminom ng anumang pwedeng mapagkunan ng bitamina. Mahirap magkasakit ngayon. Tumataas ang presyo ng gamot.

Mainam na alalay lamang sa kayod. Huwag magpaulan, lalo na ang mga hindi sanay ang katawan. Ipagpapasalamat na rin na hindi masyado mainit ang kapaligiran.

Sa likod ng mga trahedyang dulot ng kalikasan, marapatin na rin nating tingnan na may nagagawa rin naman itong kabutihan.

Tulad na lang halimbawa sa ginagawa ngayong usapang pangkapayapaan. Kahit man lang sa maikling panahon, huminto ang gera sa kabundukan. Nakakapagpahinga ang mga armado, rebelde man o sundalo.

Sana sa pag-uusap ng mga naglalabang mga grupo mapapahinga rin ang mga ordinaryong tao, makakabalik sa kanilang kubo ang mga nasa kanayunan at makakapagsakang muli ang mga may konting lupang mababalikan.

Ingat lang palagi. Mabuti na ring magiging mapagmatyag. Minsan kasi, kahit maulap ang langit, biglang sumisilip ang haring araw. Mas nakakapagdulot ng sakit ang biglang pagbabago ng panahon.

Ulan sa tag-araw ang “peace talks,” pansamantalang paghupa ng init sa labanang di namimili ng biktima. Kaya mabuti na ring mag-iingat. Mahirap mapuruhan tayong mga sibilyan na naiipit lamang sa laro ng mga naghuhuntahan sa hapag.

Huwag nating balewalain ang usapang pangkapayapaan. Tila wala man itong patutunguhan, pagkakataon rin ito na makakapaghanda sa mga pwede pang magawan ng paraan.

Huwag natin ipagwalang-bahala ang panaka-nakang pag-ulan, pagkakataon itong madiligan ang maalikabok nating mga daan. Pagkakataon itong mapalamig ang umiinit nating kalikasan.

Umuulan sa Maynila nitong mga nakalipas na araw. Wag mabahala, konting tapal lamang sa butas-butas nating mga bubong. Maiigpawan din natin ang sungit ng panahon.-Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply