Ulat ng Blue Ribbon vs Merci tinabla ni Enrile

TINIYAK ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi niya lalagdaan ang Blue Ribbon Committee report na nagrerekomendang patalsikin si Ombudsman Merceditas Gutierrez at kasuhan ang ilang special prosecutor na humawak ng plea bargaining agreement ni dating AFP comptroller ex-M/Gen. Carlos Garcia.

Kasabay nito, nanggagalaiti naman si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada sa kabiguan ng tanggapan ni Sen. Teofisto “TG” Guingona III na bigyan siya ng kopya ng report upang mapag-aralan ang nilalalaman nito.

Sa panayam nitong Lunes, sinabi ni Enrile na hindi niya lalagdaan ang ulat ni Guingona dahil ayaw niyang masabi ng taumbayan na may kinikilingan ang Senado sa pagpapatalsik kay Gutierrez sakaling maisampa ang Articles of Impeachment.

“I am not going to sign it,” anito.

Binalaan din ni Enrile ang kasamahan sa Senado, partikular ang lumagda sa report, na maaaring kuwestiyunin ang kanilang impartiality na siyang dapat nilang ipagtanggol sakaling dumating sa ganoong punto.

“Anything you do can be used against you, to challenge your impartiality. Then you have to defend yourself,” giit ni Enrile.

Kasabay nito, nagpahayag naman ng sobrang galit at sama ng loob si Estrada kay Guingona matapos mabigo ang komite na bigyan siya ng kopya ng report bago ito ipamigay sa media noong nakaraang Huwebes.

Sa panayam, sinabi ni Estrada na hindi pa niya nababasa kahit isang pahina ng kopya ng report ni Guingona taliwas sa pahayag ng kanyang tanggapan naibigay na ito sa tanggapan ng senador at hinihintay na lamang ang kanyang lagda.

“Those who did not attend the hearing did sign the report but were given a copy. Whereas, I did attend every day, hindi ako binigyan ng kopya,” paliwanag ni Estrada.

Hindi rin umano nakakuha ng kopya si Minority Leader Alan Peter Cayetano bago ipalabas sa media ang naturang committee report.

Hindi lumagda sina Estrada, Enrile at Senate Majority Leader Vicente Sotto III sa naturang committee na inaprubahan ng 14 miyembro ng komite na magiging senator-judge sa impeachment trial laban kay Gutierrez.

Nakatakdang simulan ang debate sa plenaryo sa naturang ulat ngunit habang isinusulat ang balitang ito, nagkakaroon ng all senators’ caucus na pinangunahan ni Enrile.

Samantala, iminungkahi naman ni Sen. Joker Arroyo sa House panel of prosecutor na pumili ng dalawant artikulo na nakikita nilang may malakas silang kaso bago isumite ang Articles of Impeachment sa Mataas na Kapulungan.  Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply