Uniporme sa mga basurero aprub na

PINAGTIBAY na ng Quezon City Council ang resolusyong mag-oobliga sa lahat ng pribadong contractor sa pangongolekta ng basura na maglaan ng sapat na cover-all uniforms at gamit pangproteksyon sa katawan para sa mga basurero.

Sa resolusyon na inihain ni 4th District Councilor Jessica Castelo Daza, inatasan din ang Environmental Protection and Waste Management Department (EPWMD) na magpapatupad sa nasabing polisiya.

Pinuna ni Daza ang kadalasang suot ng mga basurero kapag sila ay nangongolekta ng basura sa Lungsod ng Quezon na naka-short pants, T-shirts at tsinelas na goma. Palagi rin umanong kamay na walang gwantes ang ginagamit nila sa pagkuha ng basura.

Ang nasabing nakagawian ay banta sa kalusugan at posibleng makakuha pa ng sakit, tulad ng hepatitis o anumang uri ng impeksyon.

Idinagdag pa ni Daza na delikado rin ang trabaho ng mga basurero dahil kabilang sa kanilang aktibidad ang pagmamaneho ng malalaking trucks, pagkakarga ng mabibigat na basura, pagpapatakbo ng compacting machines at paghawak ng posibleng nakalalasong basura.

“Therefore, there is a need to protect the physical health of these garbage collection personnel who are prone to acquire contagious disease dues to the nature of their work,” ayon pa kay Daza.  Robert C. Ticzon

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply