Update sa paglilikas ng OFWs sa Libya inilatag ng Dole

INIHAYAG ng Department of Labor and Employment (Dole) ang ilang update hinggil sa patuloy na isinasagawang evacuation and repatriation ng gobyerno sa overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit ngayon sa kaguluhan sa Libya.

Sa isang press conference, sinabi ni Dole Seceratry Rosalinda Dimapilis-Baldoz na inaasahang dadaong alas 2:00 ng hapon, Martes (alas-9 ng gabi sa Pilipinas) ang 1,7000 passenger capacity chartered ferry na “Ionian Queen” sa pantalan ng Gulani sa Benghasi.

Sinabi ng kalihim na may inilikas ng 534 workers ang Philippine Embassy at POLO sa Tunisian border sa Djerba.

Nauna nang dumating ang 440 OFWs sa bansa kaninang umaga at inaasahan pa ang mahigit 161 ngayong araw, habang 36 iba pa bukas.

May ulat din na may na-delay na 180 OFWs na lalapag sakay ng MidEastern Airlines na inupahan ng gobyerno mula Dubai.

Naghihintay naman ang 4,097 iba pang Pilipino para sa paglikas sa kanila sa Libya upang makauwi na rin sa Pilipinas.

Kaugnay nito, bumuo naman ang ahensya ng DOLE Middle  East Crisis Monitoring Center sa border ng Libya na nagpapaabot ng impormasyon sa mga naililikas na OFW sa naturang bansa kung saan umaabot na umano sa 3,544 bilang ng mga Pilipino ang nailalabas sa Libya.

Ani Baldoz, nagpadala na rin ang POLO-Tripoli ng email ng listahan ng 100 OFWs at Filipino Workers Resource Center (FWRC) sa Tripoli.

Dagdag pa ni Baldoz na patuloy pa rin ang isasagawang evacuation at repatriation  dahil karamihan umano sa mga kompanya ng mga OFW ay walang kakayahang pauwiin ang mga ito kaya humihingi rin sila ng tulong sa gobyerno.

Sa ngayon ay nasa pantalan na ng Benghasi ang isang Greek ship na pag-aari ng isang Grego, inupahan ng gobyerno ng Pilipinas ang nakaantabay sa border para sa repatriation ng mga OFW mula Libya pauwing Pilipinas.

Samantala, sinabi pa ng kalihim na nakahanda na ang OWWA na magbigay ng tulong pinansyal na P10,000 sa bawat OFW na umuuwi ng bansa mula sa Libya bilang karagdagang tulong naman sa ibinigay ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO) sa mga ito.

Kabilang dito ang psycho-social counseling, skills training and upgrading, referral and placement for local and overseas employment, entrepreneur and management training, business loan sa koordinasyon ng state financial institutions (Land Bank, DBP) at iba pa.

Sinabi pa ni Baldoz na nagtayo rin ang OWWA, POEA at DOLE central office ng kani-kanilang call centers na handang tumanggap ng mga tawag ng mga pamilya ng OFW sa Libya. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply