Voter IDs para sa OFWs tungong Taiwan pinabilis

PINABILIS ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iisyu ng voter identification cards (ID) para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na tutungo sa Taiwan upang magtrabaho.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, tugon ito ng Comelec sa panawagan ng Malakaniyang na bilisan nila ang issuance ng voter IDs para sa mga manggagawang Pinoy na tutulak sa bansang Taiwan.

Matatandaang bumagal ang pagproseso ng pamahalaan ng Taiwan sa employment documents ng mga Pinoy na magtatrabaho roon matapos na magalit ang naturang bansa sa ginawa ng pamahalaang Pilipinas na pagpapa-deport sa 14 Taiwanese sa bansang China.

Unang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang may 14 na Taiwanese na sangkot umano sa multi-million dollar criminal activity gamit ang internet.

Sa halip naman na sa Taiwan, nagpasya ang pamahalaan ng Pilipinas na ipa-deport ang mga Taiwanese sa China, dahil pawang Chinese umano ang nabiktima ng mga dayuhang suspek.

Ikinagalit ito ng Taiwan government at pinahaba ang screening process sa mga OFWs na nais magtrabaho sa nasabing bansa, tulad sa pagkuha ng employment visa na dati ay inaabot lamang ng isang linggo, ngunit ngayon ay tatagal umano ng hanggang apat na buwan.

Kaagad namang tumugon ang Comelec sa hiling ng Malakaniyang at gumawa ng mga kaukulang hakbang upang matiyak na mapapabilis ang pagre-release ng voter ID cards para sa visa applications ng mga naturang Taiwan-bound OFWs at makuha ito sa loob lamang ng isang araw.

Sa bagong hakbang, ang mga voter ID na ia-aplay mula 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali ay maaari na ring makuha pagdating ng 4:00 ng hapon sa pareho ring araw.

Ayon kay Jimenez, ang aplikasyon para sa voter ID ay maaaring isumite sa Central File Division ng Election Records and Statistics Department ng Comelec sa punong tanggapan nito sa Intramuros, Manila.

Kinakailangan lamang umano ng mga aplikante na magsumite ng katibayan na siya ay  manggagawang patungo sa Taiwan, tulad ng employment contract nito.

Ang processing fee para dito ay aabot sa P75 dahil ang ID request ay isang ‘special case’ aniya, at magiging sanhi ng pagkaantala sa pag-imprenta ng iba pang IDs na ginagawa ng maramihan. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply