Zambales multi-sports festival 2011

BONGGANG sport events ang inihanay ni Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr. upang hindi lamang itaguyod ang larangan ng palakasan bagkus isulong na rin ang turismo sa probinsya sa pamamagitan ng tatlong araw na multi-sports festival  na gaganapin sa Marso 18 hanggang 20.

Unang sisikad ang tinatayang 200 siklista sa Marso 18 para sa Zamba Multi-Sports Festival 2011 upang lakbayin ang 120-kilometro mula sa Iba papuntang Sta. Cruz at pabalik

Sa ikalawang araw naman ang 2-kilometrong Potipot Open Water Swimming Race kung saan tatawirin ang dagat mula sa pampang ng Uacon Cove papunta sa pamosong Potipot Island ng Candelaria at pabalik. Kasabay ding ilalarga ang National Ultimate Black Sands Frisbee eliminations, at ang Sprint Duathlon competition na katatampukan ng 5k swim, 30K bike at 3K run.

Masasaksihan naman sa ikatlong araw ng sports festival sa Marso 20 ang mas pinatinding triathlon na 1.5K swim, 50K bike at 12K run na iinog sa dalawang bayan ng Hilagang Zambales.

Ang tatlong araw na kasayahan ay katatampukan din ng mga paligsahan sa Wall Climbing, Bikini Open, Body Tattoo, gayundin ng photo contest.

Hindi rin magiging sagabal ang tag-ulan sa pagsusulong ni Gov. Ebdane ng kanyang mga sports-tourism program. Nakalinya sa mga panahong ito ang motocross races na babagtas sa proyekto ni Gob. Ebdane – ang Sta. Cruz-Mangatarem Road na mag-uugnay sa mga probinsya ng Zambales at Pangasinan, at ang sa Botolan-Capas Road na magkakabit naman sa lalawigang ito sa Tarlac.

Nakahanay din ang safari sa Sto. Tomas at Bucao river na pawang mga lahar channel mula sa bulkang Pinatubo, at ang pinaka-prominente na inaasahang makakahatak ng extreme adventure racers ay ang “Cross Country Run” na sisimulan sa dalampasigan at magtatapos sa ituktok ng bundok.

Nauna nang inilunsad sa pangunguna ni Ebdane ang ”Kaligawan ha Mayanan” o ang Festival in the North noong nakaraang Disyembre na nagtampok ng iba’t-ibang sports at family fun games na ginanap din sa Uacon Cove sa Candelaria.

Sa mga dalampasigan naman sa Katimugang Zambales ay humataw din noong nakaraang taon ang “Zambapalooza” isang skim-surf-skate tournament sa bayan ng San Narciso. Matagumpay na nakahatak ito ng mga local at dayuhang turista.

Ani Ebdane, sa pamamagitan ng mga extreme adventure, water sport, kasama na ang nature trips, makakaengganyo ng kakaibang sector ng turista ang Zambales, kumpara mga karaniwang beach goers na ang pakay lamang ay maligo sa magagandang beach resorts ng lalawigan at sa pagsapit ng hapon ay magsisi-uwi na rin.Sa mga nakahanay na events, inaasahang hahatak ito ng mga sports adventure enthusiasts na lakbayin ang Zambales upang tuklasin ang iba’t-ibang potensyal para sa adventure tourism activities rito. Radito Torres

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply