‘Killing spree’ sa Caloocan City kinondena ni Erice

NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Vice Mayor Edgar “Egay” Erice sa lumalalang patayan sa Bukid area sa lungsod ng Caloocan kaya’t hiniling nito sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na imbestigahan  ito.

Kaugnay ng kaguluhang ito, hinikayat  ni  Erice sina PNP Director General Raul Bacalzo at Metro Manila police chief Dir. Nicanor Bartolome na magsagawa ng balasahan sa pulisya ng lungsod ng Caloocan.

Hiniling din niya ang dagliang pagpapatalsik kay Senior Supt. Jude Santos, na aniya’y isa nang “overstaying police commander” at palitan ng opisyal na nagtatrabaho para mahinto na ang serye ng patayan at holdapan sa mga babaan ng pasahero sa lungsod.

Hiniling din ni Erice kay Bacalzo at Bartolome na bigyang-pansin ang nagkalat na loose firearms sa Bukid area, na itinuturong dahilan kung bakit may malaking problema ng peace and order sa nasabing lugar.

Ang ilan sa mga kaanak ng mga biktima ay naghahanap ng hustisya, ayon sa pangalawang punong-lungsod, kaya dumulog sa kanya at hiniling ang kanyang tulong para sa dagliang pagkadarakip ng mga salarin.

Sa mga dokumentong  ibinigay, napag-alaman na lima ang patay,  samantalang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan sa tatlong insidenteng naganap sa nakaraang tatlong linggo sa Camarin, Bukid area sa Caloocan.

Bandang 12:05 ng madaling araw noong Abril 4  nang gulantangin ng sunod-sunod na putukan ang  mga  residente ng Package 3, Phase 6 sa Barangay 178 sa Camarin, Caloocan City.

Nang lumabas sa mga bahay, tumambad ang wala nang buhay na duguang sina Albert Martinez, 29, at Jem Lobrico, 19, at sugatang sina Benito Belasio, 25, at Christian Congayao, 23.

Si Paul Lachica, 27, ay nagpapahinga sa harapan ng kanyang bahay sa Phase 8B, Package 13, Bagong Silang, Caloocan bandang alas-otso ng gabi noong Abril 9 nang pagbabarilin ng naka-bonnet na suspek.

Nagtamo ng maraming tama ng bala si Lachica, subali’t ito’y masuwerteng nabuhay.

Alas-sais ng umaga noong Abril 19 nang barilin at mapatay naman si Fernando Garcia sa harap ng isang talipapa sa Bagong Silang.

Bandang 5:30 ng umaga ng sumunod na araw ay namatay si Ronaldo dela Cruz, 32, matapos barilin habang nag-aantay ng pasahero.

Si Marilou Digubatan, 52, ay binaril at pinatay sa kanyang pwesto na fish stand sa Bagong Silang madaling araw ng Abril 24 at ang ex-policeman na si Samuel Galang ay binaril subali’t masuwerteng  nakaligtas.

Sa mga insidenteng ito, ang mga salarin ay pawang nakasuot  ng  bonnet at tumatakas gamit ang motorsiklo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply