100 graduating students sinapian sa Cagayan

SINAPIAN ng masamang espiritu ang may 100 estudyante habang isinasagawa ang kanilang graduation rites sa Sta. Ana, Cagayan.

Ito ang kinumpirma ni Mayor Darwin Tobias ng Sta. Ana, Cagayan.

Nabatid na naging maayos ang graduation rites kahapon hanggang sa walong babaeng estudyante na sadyang hindi pinangalanan ng Sta. Ana Fishery National High School sa Sta. Ana, Cagayan ang bigla na lamang nagwala, na sinundan ng iba pa.

Bago ito, halos araw-araw umano ay may nahihimatay na mga estudyante sa oras ng klase dahil sa mga sumasaping masamang espiritu.

Karaniwang nagpapamalas ang mga estudyanteng sinasapian ng espiritu ng kakaibang lakas, tumitirik at nanlilisik ang mga mata, naninigas ang mga katawan at may kakaibang lalaking boses na lumalabas sa kanilang bibig sa tuwing magsasalita.

Nahimasmasan naman umano ang mga sinasapiang estudyante kapag sila ay binasbasan ng banal na tubig o holy water kasabay ng mataimtim na panalangin.

Kahapon, isang araw bago sumapit ang kanilang graduation rites, sinasabing nagbanta umano ang sumaping kaluluwa na maghahasik ng kaguluhan sa araw mismo ng kanilang pagtatapos.

Palaisipan naman sa alkalde ang nararanasan ng mga bata dahil ngayon lang umano ito nangyari sa naturang paaralan.  Robert C. Ticzon

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply