2-0 lead target ng Texters, Gin Kings

KAPWA pangalawang panalo ang puntirya ng Talk ‘N Text Tropang Texters at crowd-darling Barangay Ginebra Gin Kings sa Game 2 ng kanilang magkahiwalay na semifinal series sa PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum Linggo ng gabi, Abril 17.

Nakauna ang Tropang Texters sa kanilang best-of-five showdown laban sa Air21 Express, 97-90, habang nakaungos naman ang Gin Kings sa Smart Gilas, 97-96, Biyernes ng gabi, Abril 15.

Gitgitan ang naging laban ng Ginebra at Smart Gilas kung saan walang lumamang ng mahigit sa isang puntos sa pagtatapos ng lahat ng quarters.

Tabla ang dalawang koponan sa 23-all at 70-all sa pagtatapos ng una at ikatlong yugto habang angat naman ng isa 45-44 ang Smart Gilas sa halftime.

Sa kainitan ng bakbakan sa second quarter nasibak sa laro si Gin Kings slotman Yancy De Ocampo matapos isalya si Marcus Douthit. Hindi makakapaglaro si De Ocampo sa Game 2 dahil sa automatic one-game suspension.

Nakakumpleto ng three-point play si Nate Brumfield sa huling 18.3 segundo para ibigay ang 97-95 kalamangan sa Gin Kings.

May pagkakataon sana ang Smart Gilas na dalhin sa overtime ang laro subalit isang free throw lang ang naipasok ni Douthit sa nalalabing 5.1 segundo.

Matapos magbigay ng foul kay Willie Miller, nagkaroon pa ng pag-asa ang Smart Gilas matapos magmintis ng dalawa ang two-time league MVP. Pero napunta muli sa Gin Kings ang bola hanggang sa maubos ang oras. Radito Torres

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply