2 ginang tinangayan ng pera ng 4 na ‘pulis’

GALIT na dumulog sa himpilan ng Manila Police District (MPD)-General Assignment Section ang dalawang ginang matapos silang pasukin umano sa bahay ng apat na kalalakihan Sabado ng tanghali, Abril 9, sa Tondo, Maynila.

Personal na dumulog sa nasabing tanggapan sina Nenita Bondoc, 54, at Emilia Javier, 58, upang ireklamo ang apat na pulis na sakay umano ng kulay puting multicab na may red plate (SHT-560).

Sa reklamo ni Bondoc kay PO1 Marlon Annonuevo, dakong alas-12:30 umano nang biglang pumasok ang apat na lalaki sa loob ng gate ng kanilang bahay.

Agad umanong sinita ni Bondoc ang nasabing mga pulis ngunit nagpatuloy pa rin silang pumasok sa loob ng compound at sinabing may nagreklamo umano hinggil sa pasugalang nagaganap sa bahay ng ginang.

Ayon pa kay Bondoc, wala umanong pasugalan sa kanyang bahay kundi sa katabing tindahan nila.

Gayunman, nang sabihan ni Bondoc ang mga kalalakihan na nakikita sila sa CCTV ay mabilis na nagsialis ang mga ito ngunit dinampot muna ang nakalapag sa lamesa na wallet ni Javier na may lamang P6,000.00 at halagang P1,500 ni Bondoc.

Katunayan, ani Bondoc, nagpapamanicure pa ito habang kumakain naman ang kanyang kumare na si Javier nang biglang dumating ang nabanggit na mga kalalakihan.

Hindi naman umano kilala ni Bondoc at Javier ang mga suspek dahil wala umano silang nameplate at hindi nakauniporme kahit na sakay sila ng multicab na may red plate.

Sa ngayon ay inaalam pa kung sino ang mga sakay ng nasabing sasakyan noong mga oras na naganap ang insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply