2 holdaper tiklo sa biniktimang pulis

MAG-ISANG naaresto ng isang bagitong pulis ang dalawa sa tatlong holdaper na nagdeklara ng holdap sa sinasakyan niyang pampasaherong jeep, Biyernes ng madaling araw, Abril 1, sa Paranaque City.

Kinilala ang mga nadakip na sina Crismon Castillo, 24-anyos, at isang 15-anyos na menor-de-edad na itinago sa pangalang Marvin.

Pinaghahanap naman ang nakatakas nilang kasamahan na nakilala sa alyas na “Japok.”

Naaresto ang dalawa ng pulis na si PO1 Reynaldo Daming, nakatalaga sa Southern Police District, matapos na tangkaing biktimahin ang pampasaherong jeep (PYV-916) na minamaneho ni Reynaldo Sisa.

Sa ulat ng Paranaque police, lulan ang pulis na si Daming at iba pang pasahero ng naturang jeep nang magdeklara ang mga suspek ng holdap dakong alas-3:05 ng madaling araw habang binabagtas ang Ninoy Aquino Avenue.

Naglabas ang mga suspek ng patalim at uumpisahan nang limasin ang mahahalagang gamit ng mga pasahero nang manlaban si Daming.

Agad itong nakabunot ng kanyang baril at napaputukan ang isa sa suspek na tinamaan sa kaliwang braso habang nagkanya-kanyang takbuhan ang dalawang kasamahan nito.

Itinuloy naman ni Daming ang paghabol sa mga suspek at nakorner nito ang suspek na si Castillo.  Agad namang isinugod ng mga awtoridad ang suspek na nabaril ni Daming sa pagamutan habang idiniretso si Castillo sa presinto na nahaharap ngayon sa kasong robbery hold-up.

Samatala sa lungsod ng Pasay, naaresto ng mga tauhan ng Pasay City Police PCP 6 ang isang kilabot na holdaper na kinilalang si Rolando Ortiz.

Batay sa ulat ang suspek ay sakay ng isang pampasaherong jeep nang ideklara ang panghoholdap dakong 3:30 ng madaling araw sa kanto ng EDSA at FB. Harrison St., ng nabanggit na lungsod.

Nakuha ng suspek sa biktima na si Marc Joseph ang kanyang bag na naglalaman ng P4,300 cash at mga mahahalagang dokumento.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng PCP 6 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply