3 pang akusado sa Maguindanao massacre humirit makapagpiyansa

HUMIRIT ang tatlo pang akusado sa Maguindanao massacre na payagan silang magkapagpiyansa dahil wala namang ebidensiyang magdidiin sa kanila sa naturang kaso.

Batay sa inihaing petisyon sa sala ni Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes noong Miyerkules, Abril 13, at ibinalangkas ng Manuel Law Office, iginiit ng kampo nina Moaktar Daud, Mohades Ampatuan, at Macton Bilungan na tama lamang na payagan silang magpiyansa.

Anila, walang sapat na ebidensiyang mag-uugnay sa kanila sa naturang krimen at ang mga pahayag ng iba pang pulis na kabilang din sa mga akusado kung saan naikabit ang kanilang mga pangalan ay pawang mga gawa-gawa lang.

“The subject matter of the above cases which statements appear concocted and fabricated just to pin down the accused and to have someone to blame for the death of the victims,” anang tatlo sa kanilang petisyon.

Idinagdag pa nila na importanteng makapagsagawa ng pagdinig para sa kanilang petisyon upang mapatunayan nila na mahina ang ebidensiya ng prosekusyon upang masabit sila sa kaso.

“There is a necessity to conduct bail hearings to show the weakness of the prosecution’s evidence against them and so as to allow their liberty upon posting of their respective bonds,” ayon pa sa panig ng mga akusado.

Nilinaw naman ng mga akusado na ang kanilang hakbang ay hindi pagkilos upang maantala ang pag-usad ng kaso.

Nakatakda naman ang pagpapatuloy ng paglilitis sa Maguindanao massacre sa darating na Mayo 4 na gaganapin sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City upang makapagbigay-daan sa paggunita ng Semana Santa. Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply