30% discount sa real prop tax hiniling para sa senior citizens

IGINIIT Lunes, Abril 18, ng isang mambabatas na bigyan ng 30 percent discount ang senior citizens sa pagbabayad ng real property tax para sa kanilang bahay at lupa.

Ayon kay Rep. Oscar Malapitan (1st District, Caloocan City), awtor ng House Bill 4202, kailangan ito dahil 90 percent ng senior citizens ay mahirap at hindi na kayang magbayad ng confiscatory real property taxes.

Ani Malapitan, kahit inamyendahan na ang Republic Act 7432 o “An Act To Maximize The Contribution Of Senior Citizens To Nation Building, Grant Benefits And Special Privileges And For Other Purposes,” hindi pa rin kaya ng karamihan sa mga nakatatanda ang pagbayad ng buwis.

Ngayong malapit na rin naman silang mamahinga at dahil retirado na rin sa trabaho at walang pagkukunan ng pera, dapat umanong bigyang-kalinga ng gobyerno ang mga ito.

Ani Malapitan, kung hindi makababayad ng buwis ang mga senior citizen ay baka mawalan sila ng tahanang matitirahan at baka matulog na lang sa kalye na maaaring makadagdag pa sa problema ng gobyerno.

Matatandaang pinirmahan ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang Expanded Senior Citizens Act o RA 9994 upang isabatas noong Peb. 15, 2010.

Sa nasabing batas, binibigyan ang mga senior citizens ng 20 percent  discount sa value added tax (VAT)sa pagbili ng ilang paninda at serbisyo sa lahat ng mga establisimyento at exemption sa pagbabayad ng individual income taxes ng senior citizens na kinokonsiderang minimum wage earners batay sa Republic Act No. 9504.

Ang mga senior citizens ay binigyan din ng 5 percent discount sa water at electric bills; exemption sa training fees para sa socioeconomic programs; libreng medical and dental services; diagnostic at laboratory fees sa lahat ng pasilidad ng gobyerno; educational assistance kung gustong mag-aral ng elementarya, high school o college, o kahit pa master’s degree, vocational at technical education, gayundin ang mga short-term courses.

Covered din sila ng mga benepisyo at privileges na ibinibigay sa mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS) at PAG-IBIG fund. Nenet L. Villafania

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply