4 pang akusado sa Maguindanao massacre nagpapabasa na rin ng sakdal

APAT pang akusado sa Maguindanao massacre ang nagboluntaryong mabasahan ng sakdal sa kasong multiple murder laban sa kanila na inumpisahan ng isa pang pulis kamakailan lamang.

Naghain ng dalawang pahinang mosyon sa Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221 ang mga akusadong sina Misuari Ampatuan, Tato Sampogao, Taya Bangkulat at Salik Bangkulat dahil hindi na raw sila interesado kung magsasagawa pang muli ng imbestigasyon laban sa kanila.

Bago ito, noong Enero 14, 2011, ang naturang mga akusado ay naghain ng mosyon na humihiling na muling imbestigahan ang isinampang kaso laban sa kanila kasabay ang pagkuwestiyun kung papaano silang napasama sa 196 na akusado sa krimen.

Ngunit tinutulan ito ng prosekusyon at hiniling na agad na silang mabasahan ng sakdal alinsunod na rin sa probisyon ng mga patakaran ng korte.

Binawi ng apat ang naunang inihaing mosyon para muling maimbestigahan ang kaso laban sa kanila sapagkat mas praktikal na mabasahan na sila ng sakdal sa lalong madaling panahon.

Nauna nang nagboluntaryo na mabasahan ng sakdal si SPO2 Badawi Bakal dahil pagod na umano siya sa patuloy na pagkaantala ng paglilitis sa Maguindanao massacre.

Sa kanyang 2-pahinang manipestasyon, sinabi ni Bakal sa korte na hindi na niya iaapela pa ang hakbang ng prosekusyon na mabasahan na ng sakdal ang lahat ng akusado.

Kapag nabasahan na ng sakdal ang mga akusado, magkakaroon na sila ng pagkakataon na magpasok ng guilty or not guilty plea sa hukuman at ito rin ang magbubukas ng daan para litisin na ang merito ng kaso.

“After realizing that his case will drag for so long if he will await for the resolution of his motion for reconsideration to the resolution of the panel of investigating prosecutors dated Feb. 5, 2010, accused SPO2 Badawi Bakal is manifesting to the honorable court that he is now willing to be arraigned,” giit pa ng kampo ng naturang pulis. Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply