5 tiklo sa abduction ng 15-anyos na dalagita

RIZAL— Arestado ang lima katao kabilang ang isang babae matapos na ireklamo ng 15-anyos na dalagita na ang mga ito ang dumukot sa kanya kamakalawa ng gabi, Abril 24, sa bayan ng Teresa.

Kinilala ni Rizal PNP director P/Sr. Supt. Manuel Prieto ang mga naarestong suspek na sina  Bobby Borico, 37, Jimmy Gumban, 37, Rudito Lacaba, 54,  Felipe Ramirez, 48 at Rosalie Montecalvo, 37, pawang residente ng VMG Sports Plaza, Barangay Prinza ng nasabing bayan.

Pormal namang nagsampa ng kasong “abduction” ang biktimang si Ma. Neth Angel Oabina, residente rin Brgy. Prinza.

Sa ulat, dinukot ng isang lalaking naka-bonnet ang biktima noong April 24 dakong 8:00 ng gabi sa nasabing barangay kung saan ay piniringan ito at dinala sa kanilang safehouse.

Ayon sa biktima makalipas ang ilang oras ay inalisan siya ng piring at nag-alis na rin ng suot na bonnet ang suspek na may kasamang isa pang lalaki.

Inabutan din niya sa lugar ang apat pang teenager na nakagapos at umiiyak habang ang dalawa pang suspek ay nakikipag-usap sa cell phone sa di kalayuang parte ng safehouse.

Ayon pa sa biktima, nakasilip siya nang pagkakataong tumakas nang bitbitin ng mga bantay ang umiiyak na mga bihag para dalhin sa ibang kuwarto.

Tumakbo umano siya nang tumakbo habang hinahabol ng tatlo sa mga suspek hanggang sa makarating sa maliwanag na lugar at natuklasan niyang ang pinagdalhan sa kanya ay sa loob din ng kanilang subdivision.

Nang makarating sa kanilang bahay ay agad na nagpasama ang biktima sa himpilan ng pulisya subalit hindi na niya matunton ang safehouse ng mga suspek.

Kinabukasan ay ginalugad ng pulisya ang lugar at dito na positibong nakilala ng biktima ang mga suspek na nasakote sa loob ng isang bahay.

Narekober sa mga suspek ang isang 12 gauge (homemade) shotgun na may isang bala. Jhie Convocar

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply