Panukala ni Kiko, sinuportahan ni Gringo

NAKAHANAP ng kakampi si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa panukalang amyendahan ang pinagtibay na Rules of Procedures na gagamitin sa paglilitis ng Articles of impeachment laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Nitong Miyerkules, Abril 6, nagpahayag ng suporta si Sen. Gregorio “Gringo” Honasan sa panukala ni Pangilinan na amyendahan ang Rules partikular ang probisyon na hahatol kaagad sa pamamagitan ng botohan kapag natapos ang isa sa anim na Articles of Impeachment.

“Wala tayong nakikitang problema sa hangarin ni Sen. Pangilinan na amyendahan ang Rules sa Impeachment lalo na’t para ito sa ikaayos ng pagdinig na gagawin ng Impeachment Court  sa kasong impeachment na kinahaharap ni Ombudsman Merciditas Gutierrez,” ayon kay Honasan.

Taliwas sa pananaw ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, sinabi ni Honasan na baka mas lalo pa ngang mapabilis ang proseso ng paglilitis sa impeachment kung masusunod ang panukala ni Pangilinan.

Una nang nagpahayag ng kanyang pagtutol si Escudero sa panukala ni Pangilinan dahil tiyak umanong hindi kaagad makapagsisimula ang Senado sa pagtalakay sa impeachment process dahil muli na namang pagdedebatehan ang panukala ni Pangilinan at kailangan itong muling i-publish ng 15 araw.

Sinabi ni Honasan na bukas siya sa ano pa mang amyenda sa Rules of Impeachment basta’t ito ay sa ikaaayos ng pagdinig ng senado.

Gayunman, nilinaw ni Honasan na nasa pagdedesisyon pa rin naman ng mayorya ng mga senador kung papalitan pa o hindi na ang naunang pinagtibay na Rules of Impeachment.

Sa kanyang panukala, nais ni Pangilinan na kaagad magsagawa ng botohan ang mga senator-judges sa bawat isang ipi-prisintang article of impeachment at kapag hindi nakakuha ng kailangang two-thirds na boto ay saka lamang ilalatag ang iba pang inihaing reklamo laban sa Ombudsman. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply