Anak, sinumpak, sinunog ang sariling ama

SINUMPAK sa ulo bago sunugin ang bangkay ng sariling ama ng isang anak sa San Carlos, Pangasinan.

Halos ‘di na makilala sanhi ng tinamong sunog sa kabuuan ng katawan ang biktimang si Pedro de Vera, 72, ng Barangay Abonet, San Carlos.

Nahuli naman agad ng pulisya at pananagutin sa kasong parricide, o pagpatay sa sariling ama, ang suspek na si Jerry, 22, binatang anak ng biktima.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-8:30 kagabi sa mismong bahay ng mag-ama.

Nabatid na bago ang insidente, nag-away ang mag-ama nang pagbintangan ng biktima ang kanyang anak na nagnakaw ng kanyang inipong pera na itinanggi naman ng suspek.

Dahil wala umanong ibang kukuha, iginiit ito ng biktima na ikinasama naman ng loob ng suspek, kaya lumabas na lamang sa kanilang bahay para magpalamig.

Lingid sa biktima, hinintay lamang pala siya nitong makatulog at habang nakahiga sa kama ay binaril ito ng suspek sa ulo.

Bago naman tumakas, hinila nito ang bangkay ng ama at itinapon sa loob ng isang septic tank na ilang metro lamang ang layo sa kanilang bahay; sinabuyan ng gaas at saka sinilaban.

Nakarating naman sa mga kapitbahay ang insidente kaya’t inireport agad ito sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa bahay ng nobya nito sa San Jacinto. Robert C. Ticzon

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply