Ang tunay na pahirap sa bayan

HALOS tatlong buwan na lang at matatapos na ang unang taon ng panunungkulan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Nang unang maupo sa puwesto si Pangulong Noynoy ay napakataas ng expectation ng taumbayan sa kanyang pamumuno.

Subalit kapuna-puna na hanggang ngayon ay tila hindi pa din maka-arangkada ang bansa tungo sa inaasam na kaunlaran at kapayapaan.

Kumbaga sa sasakyan ay tila nabalaho tayo sa isang malalim na butas kaya hindi na tuloy makatakbo para makarating sa dapat puntahan.

Bagamat seryoso at desidido si Pangulong Noynoy na tuparin ang kanyang mga pangako noong panahon ng kampanya ay maliwanag  na hindi niya ito magawa dahil na din sa kakulangan ng suporta at total commitment mula sa mga taong dapat sana ay tutulong sa kanya.

At tulad ng dati ang dahilan nito ay ang walang katapusang bangayan sa pulitika ng mga taong ang tingin sa sarili ay sila ang dahilan kung bakit naluklok sa puwesto ang pangulo.

Entonses ang feeling nila ay may utang na loob ang Pangulo sa kanila! Tsk!tsk!

Ang walang katapusang iringan sa pagitan ng nagbabanggang mga paksyon ng Balay at Samar ay siyang pinakamatinding dahilan kung bakit hindi magawa ng pangulo ang mga gusto niyang gawin.

Dangan kasi ay may kanya-kanyang interes na isinusulong ang mga pulitikong ito at ayaw mag-padaig ang bawat isa . Kaya naman pala…

Ang resulta? Ayon patuloy pa ding nakasadlak sa dusa at hirap ang ating bansa at ang taumbayan.

Ang dapat sigurong gawin ni Pangulong Noynoy ay pagsisibakin na niyang lahat ang mga taong sa halip na makatulong sa kanya ay siya pang nagpapagulo sa kanyang pamumuno dahil sa makasarili nilang interes.

Tutal naman ay hindi na siya tatakbo pa sa susunod na halalan kaya wala na siyang dapat alalahanin at ang bigyan na niya ng priority ay kung paano niya mapapaunlad ang bansa.

At para mas mapabilis ang mga reporma na gusto niya ay unahin na niyang sibakin iyong mga taga Balay at Samar lalo na iyong mga pulitiko na may political agenda sa darating na national elections.

Hanggat may pulitiko na walang iniisip kundi isulong ang kanilang sariling interes ay talagang hindi makakaahon ang bansa at ang taumbayan mula sa kahirapan .

Sige nga Pangulong Noynoy sipain mo nang lahat ang mga bopol na iyan!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply