Apparel business: “One way to move away from the headaches of labor”—Asay

HINDI lang ang maliliit na industriya ang apektado ng pagbagsak ng ating ekonomiya kundi maging ang mga higanteng kumpanya. Pero sabi nga, ang pagnenegosyo ay parang isang sugal; hindi mo alam kung kailan ka mananalo at matatalo.

Laban lang nang laban, sabi ng ilang mga negosyanteng hindi payag na basta na lamang sumuko. Malay mo nga naman, pumatok at mag-boom ang negosyong sinimulan mo.

Naniniwala si Sabino Say Hong Chan, 41, isang Chinese mestizo at mas kilala bilang ‘Asay’, na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang isang nais pumasok sa pagnenegosyo. Hindi naman sa lahat ng panahon ika nga ay ‘inaalat’ ka.

Hindi lang siguro natutumbok ang angkop na negosyo para sa iyo.

Si Asay ang may-ari ng Golden Boy Apparel, isang Ready to Wear (RTW) store na matatagpuan sa 999 Mall sa Divisoria sa Maynila. Nitong Pebrero 2011 lamang niya binuksan ang naturang RTW store.

Ang Golden Boy Apparel ay family business na mismong pinamamahalaan ni Asay kasama ng asawa at tatlong anak nila mula sa kapital na P100,000. Umuupa siya ng 2 stalls o pwesto na tig-P20,000 kada buwan.

Nagsimulang magnegosyo si Asay sa edad na 18, bilang sub-contractor ng isang multinational company at sumubok sa textile manufacturing noong 1996. Iniwan niya ang textile manufacturing business dahil masakit aniya sa ulo ang maraming trabahador. Pero hindi siya nawalan ng pag-asa at muling sumugal sa panibagong negosyo.

Nang sadyain ko siya sa kanyang pwesto sa Divisoria nitong Biyernes para sa maikling panayam, nakita ko kung gaano kasipag at kagaling ang kanyang asawang si Flor at mga anak nila sa pag-iistima ng customers.

Nang tanungin ko siya kung bakit RTW ang napili niyang ituloy na negosyo at hindi ang food business, mabilis ang sagot ni Asay: Mas madaling bantayan ang ganitong negosyo at hindi nangangailangan ng maraming tauhan. Magaan para sa kanya.

“One way to move away from the headaches of labor,” ani Asay. Idinagdag pa niya na nakakaawa ang maraming manggagawang pumipila sa Department of Labor and Employment (Dole) dahil gustong ireklamo ang local employers nila na hindi nagpapasahod ng maayos at labag sa batas.

Bukod sa kanyang pamilya, dalawa lang ang kanilang tauhan sa tindahan. Ito ang kanilang dalawang yaya na part-time sales ladies din. Dinagdagan na lamang aniya ang dalawang ito ng additional incentives para makadagdag din sa kanilang regular na sweldo bilang yaya. Stay-in sila at libre lahat.

Mga Produkto:

Bukod sa mga RTW mula sa Thailand, umaangkat din ang Golden Boy Apparel ng mga produkto sa bansa na de kalidad ang klase nito at kayang makipagsabayan sa merkado.

Pero sa ngayon, hindi maitago ni Asay ang pagkadismaya dahil tila walang suporta ang gobyerno sa importers at exporters.

“Sa ngayon, totally stop muna ako sa pag-angkat sa Philippine products dahil hindi talaga kaya. Nasa 65% hanggang 70% ang itinaas ng raw materials natin. I honestly prefer munang kumuha sa Thailand dahil kahit nagtaas sila ng presyo…konti lang at hindi ganun kabigat kumpara dito sa atin,” ani Asay.

Ang Golden Boy

Ang pangalan ng RTW store ay kinuha mula sa bunsong anak ni Asay na si Angelo Sabino del Mundo Chan. Akma talaga ang taguring ‘Golden Boy’ sa batang ito dahil sa edad na 11, makikita mo na sa kanya ang pagiging negosyante gaya ng mga magulang.  Mababakas na ang pagiging matalino sa hitsura at pakikipag-usap pa lamang.

Achiever din si Angelo. Ginawaran siya ng Uno High School sa Maynila nitong Marso bilang “second honor in general excellence’’ sa buong Grade 4 students. Pinagkalooban din siya ng half scholarship sa susunod na taon sa  Grade 5.

Mabilis, maliksing kausap si Angelo na noo’y kararating lang mula sa pangongolekta ng tseke. Magaling din siyang mag-sales talk sa customers na dumarating sa kanilang pwesto. Sapat para makumbinsi nito ang customers na bumili ng kanilang produkto. Hanggang sa pagsusukli at ang pagsasaayos ng stocks ng kanilang paninda ay siya ang nakaaalam.

Dahil dito, gaya ng kanyang dalawang kapatid, may sweldo din siyang P200/kada araw bilang pagtulong niya sa tindahan, pero hindi niya ito kinukuha.

“I want to save my money for future use. I might want to buy something in the future,” tugon ni Angelo sa tanong ko kung anong gagawin sa pera niya.

Sa murang edad, kahanga-hanga ang pangarap ni Golden Boy na maging abogado para makatulong sa mga nangangailangan bukod sa pagiging negosyante. Sa katunayan, inspirasyon niya si Atty. Michael Mella ng Triple Alpha Law Office na may tanggapan sa 3rd Floor ng National Press Club (NPC) sa Intramuros, Manila.

Wholesaler/retailer

Sa mga nagnanais magnegosyo ng mga damit mula children’s wear hanggang fashion wear ng kababaihan sa teenagers at adults, maging sa kalalakihan, t-shirts, shorts, jackets, magtungo lamang sa Golden Boy Apparel sa 2C2-2C4, ikalawang palapag ng 999 Mall sa Divisoria. Sa murang halaga at konting puhunan, makapagsisimula ka na ng maliit na sariling kabuhayan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply