Bangayan nina Mayor Binay, Robredo tuloy

NAGPAPATULOY ang palitan ng maaanghang na salita nina Makati City Mayor Junjun Binay at Interior Secretary Jesse Robredo kaugnay ng marahas na demolisyon sa sa nasunog na Laperal Compound sa Guadalupe Viejo, Makati City, kahapon, Abril 28.

Unang nagkainitan sina Binay at Robredo noong Miyerkules ng hapon nang biglang dumating ang kalihim sa “demolition site” at kinausap ang alkalde.

Hiniling ni Robredo na magsagawa muna ng dayalogo sa mga lider ng Laperal Compound bago isagawa ang demolisyon sa kanilang mga tahanan.

Ngunit tumanggi si Binay at sinabing ilang dekada na silang nakikipag-usap sa mga residente ngunit walang nangyayari.

Binarikadahan na ngayong Biyernes ng mga tauhan ng Makati City Police at National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang naturang lugar upang hindi na makapasok sa compound ang mga residente.

Gayunman, pinayagan silang hakutin ang mga materyales ng nasira nilang mga bahay tulad ng bubong, at iba pang mahahalagang gamit.

Umabot sa 18 katao ang nasugatan sa ikalawang araw ng karahasan sa compound.

Kabilang sa mga nasaktan ang ilang miyembro ng demolition team, isang operator ng payloader na nadaplisan ng bala ng sumpak at ang ABS-CBN reporter na si Nikko Baua, na tinamaan ng bato sa ulo.

Unang sinisi ni Binay ang isang General Delos Santos ng NCRPO na tumanggi umano sa kanyang magbigay ng dagdag na tauhan para makontrol ang mga residenteng naging marahas dahil umano sa usaping teknikal ukol sa “procedure” na ipinatutupad.

Dahil dito, 18 pulis lamang ang umalalay sa demolition team. Makokontrol sana umano ang karahasan kung pinagbigyan laman ang kanilang kahilingan.

Kanina, nagpatuloy ang sagutan nina Binay at Robredo sa mga programa sa radyo. Iginigiit pa rin ni Robredo na sana’y nagkaroon muna ng mahinahong dayalogo, ngunit sinabi ni Binay na kailangang proteksyunan nila ang kanilang mga sarili sa mga residenteng nanlalaban at naunang umatake.

Iginiit rin nito na ginawa na lahat ng pamahalaan ang opsyon katulad ng dayalogo at hindi dapat mistulang ipinipilit ng kalihim na hindi nila ito ginagawa.

Sinabi nito na may mga sindikato na nasa loob ng compound na nag-uudyok sa mga kasamahan na tanggihan ang iniaalok nilang relokasyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply