Bangkay ni Sally nasa Isabela na

NAGLUPASAY sa pag-iiyak ang asawa ni Sally Ordinario-Villanueva nang ibabas sa isang sasakyan ang bangkay nito Biyernes, Abril 8, sa Habitat, Barangay Gumabauan, Echague, Isabela.

Dakong alas-11 ng umaga nang dumating ang bangkay ni Sally, na binitay sa China dahil sa kasong drug trafficking, at agad itong dinumog ng mga kaanak at kababayan para makidalamhati dahil sa sinapit ng kanilang kababayan.

Kalungkutan pa rin ang nadarama ng panganay na anak ni Sally dahil kasabay ng kanyang pagtatapos sa elementarya ang pagdating ng bangkay ng ina na unang dinala sa bahay ng kanyang mga kamag-anak sa Quezon City bago dinala sa kanilang bahay sa Isabela.

Hindi na umano natupad ang pangarap ni Princess, 12-anyos, na ang kanyang ina ang magsabit sa kanya ng medalya sa kanyang pagtatapos bilang salutatorian sa paaralang elementarya sa Tupax, Jones, Isabela.

Nabatid na tiyahin na lang ni Princess ang nagsabit ng medalya sa kanya gayundin ng ribbon sa kanyang nakababatang kapatid na 5th honor sa Grade IV.

Ayon sa bata, pangarap ng kanyang ina na siya’y maging doktor ngunit dahil sa masaklap na kapalaran sa China ay nais ng bata na maging abogada para ipagtanggol ang naaaping Overseas Filipino Workers habang pangarap naman ng kanyang kapatid na lalaki na maging isang pulis.

Nabatid na dalawang araw na ibuburol ang mga labi nito sa Gumbauan, Echague, Isabela at pagkatapos  ay dadalhin na ito sa Brgy. Tupax, Jones, Isabela  kung saan ibuburol din ng ilang araw bago ilibing. Felix Yoro Medrano, Jr.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply